1,583 total views
Miyerkules sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Juan ng Avila, Pari at Pantas ng Simbahan
Mga Gawa 15, 1-6
Salmo 122, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Juan 15, 1-8
Wednesday of the Fifth Week of Easter (White)
or Optional Memorial of St. John of Avila, Priest and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 1-6
Pagbasa mula sa Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, may ilang taong dumating sa Antioquia, mula sa Judea, at itinuro sa mga kapatid ang ganito: “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Tinutulan ito nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo tungkol dito. Kaya’t napagkaisahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang ilan pang kapatid sa Antioquia, upang makipagkita sa mga apostol at sa matatanda tungkol sa suliraning ito.
Sinugo nga sila ng simbahan, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila ang pagkahikayat sa mga Hentil. Ito’y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng matatanda, at ng buong simbahan, at isinalaysay nila ang lahat ng isinagawa ng Diyos, sa pamamagitan nila. Ngunit tumindig ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo, at ang sabi nila, “Kailangang tuliin ang mga Hentil na sumasampalataya, at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises.”
Nagpulong ang mga apostol at ang matatanda upang pag-aralan ang suliraning ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 122, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
o kaya: Aleluya.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ng Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili
siya’y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkakaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Habang nagkakatipon tayo bilang isang bayang sumasamba sa Panginoon, ilapit natin sa Diyos na ating Ama ang ating mga pangangailangan nang may pagtitiwala.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Walang hanggang tagapagtanim ng ubas, gawin Mo kaming mabunga.
Ang pagkakaisang nagmumula kay Kristo, ang tunay na puno ng ubas, nawa’y makahikayat sa lahat ng Kristiyano sa kanyang Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pari, relihiyoso, at mga misyonero nawa’y maging tapat sa kanilang bokasyon sa Simbahan at manatiling kaisa ni Kristo sa kanilang gawain, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdaranas ng mga pagsubok at kahirapan sa buhay nawa’y manatiling tapat kay Kristo at sa kanyang Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y tingnan si Kristo bilang bukal ng lakas at kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat sa Panginoon na namayapa nawa’y manatili kay Kristo magpasawalang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, wala kaming magagawang anuman kung wala ka sa aming piling. Dinggin mo ang aming mga panalangin at panatilihin mo kami sa iyong pag-ibig. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.