2,798 total views
Miyerkules ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Clemente I, papa at martir
o kaya Paggunita kay San Columbano, abad
Pahayag 15, 1-4
Salmo 97, 1. 2-3ab. 7-8. 9
Poong Diyos na Dakila,
gawa mo’y kahanga-kahanga.
Lucas 21, 12-19
Red Wednesday
Wednesday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Clement I, Pope and Martyr (Red)
or Optional Memorial of St. Columban, Abbot (White)
UNANG PAGBASA
Pahayag 15, 1-4
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay nakakita ng isa pang kagila-gilalas na pangitain sa langit: pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang panghuling mga salot sapagkat dito magwawakas ang poot ng Diyos.
May nakita akong animo’y dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng pangalang katumbas ng isang bilang. Nakatayo sila sa dagat na animo’y kristal, hawak ang mga alpang ibinigay ng Diyos. Inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero:
“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa,
matuwid at totoo ang iyong mga daan!
Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
Sino ang tatangging magpahayag ng iyong kadakilaan?
Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
at sasamba sa iyo,
sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 7-8. 9
Poong Diyos na Dakila,
gawa mo’y kahanga-kahanga.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hanggang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Poong Diyos na Dakila,
gawa mo’y kahanga-kahanga.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Poong Diyos na Dakila,
gawa mo’y kahanga-kahanga.
Umingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang daigdigan at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
Poong Diyos na Dakila,
gawa mo’y kahanga-kahanga.
Pagkat siya’y dumarating maghahari sa daigdig;
taglay niya’y katarungan at paghatol na matuwid.
Poong Diyos na Dakila,
gawa mo’y kahanga-kahanga.
ALELUYA
Pahayag 2, 10k
Aleluya! Aleluya!
Manatili kang matapat
hanggang iyong kamatayan,
pagkat buhay, aking bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Sa Diyos ang daigdig at ang sangkatauhan. Ipagkatiwala natin ang ating sarili sa kanya, nang may pananalig at umasa sa kanyang pagtatanggol.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, manatili nawa kami sa iyong pagkalinga.
Ang Simbahan nawa’y tumingin sa kinabukasan nang may kapayapaan at pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng ating paggawa ng kabutihan, ang mga hinahamak, mga tinanggihan, at mga hindi minamahal sa ating lipunan nawa’y makadama ng kalinga ng Diyos sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng matatag na pananalig kay Jesus na nagbubukas ng ating paningin sa kagandahan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at ang mga nagdurusa nawa’y makita at madama ang mapagpagaling na presensya ng Diyos sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kamag-anak at mga kaibigan nawa’y pagkalooban ng walang hanggang liwanag at biyaya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, punuin mo kami ng iyong pag-ibig at pawiin mo ang kadiliman sa aming buhay upang makakilos at makagawa kami sa liwanag ni Kristo, ang iyong Anak na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.