1,840 total views
Kapistahan ni San Lucas,
Manunulat ng Mabuting Balita
2 Timoteo 4, 10-17b
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Lucas 10, 1-9
Feast of St. Luke, Evangelist (Red)
UNANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 10-17b
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal, iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling sa bagay na pansanlibutan; siya’y nasa Tesalonica. Nagpunta sa Galacia si Cresente, si Tito nama’y sa Dalmacia. Si Lucas na lamang ang kasama ko. Hanapin mo si Marcos at isama mo dito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gagawin. Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. Pagparito mo, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko kina Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong yari sa pergamino.
Napakasama ng ginawa sa akin ni Alejandrong panday-tanso. Ang Panginoon ang magpaparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. Mag-ingat ka sa kanya sapagkat tutol na tutol siya sa ipinangangaral natin.
Walang sumama sa akin nang una akong humarap sa hukuman. Pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao.
Mababatid nila ang kadikalaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Oktubre 18
San Lucas
Tapat na kaibigan at kasama ni San Pablo, binigyan tayo ni San Lucas ng isang Ebanghelyong mayaman sa mga salaysay, manalangin tayo sa Ama sa pamamagitan ng mapagmahal na Tagapagligtas na inihayag sa Ebanghelyo ni San Lucas.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin mong pagpaparangal sa Mabuting Balita ang aming buhay.
Ang Simbahan nawa’y gisingin sa mga kasapi nito ang pagkagutom at pagkauhaw sa Tinapay ng Buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nasa propesyon ng panggagamot at ang mga tumutulong sa kanila nawa’y gabayan ng Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y masiglang makilahok sa gawaing pangmisyon ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatanggap ng pagtataguyod at aliw mula sa kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makabahagi sa kagalakan ng mga anghel sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, kasama ng mga panalangin ni San Lucas, inilalapit namin sa iyo ang aming mga pangangailangan. Ipagkaloob mo ang mga ito alang-alang sa iyong Anak, ang mapagmahal na Tagapagligtas na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.