
Kahirapan sa bansa
91,943 total reads
Mga Kapanalig, tinatayang anim na milyong Pilipino ang nakaahon na sa kahirapan.
Ayon iyan sa Philippine Statistics Authority (o PSA). Bumagsak sa 9.7% ang poverty incidence o ang bahagdan ng mga itinuturing na mahirap kumpara sa kabuuang populasyon. Maituturing na mahirap ang isang pamilya kung hindi umaabot ang kanilang kita sa halagang itinakda ng pamahalaan na sapat para tustusan ang kanilang mga pangangailangan. Sa kasalukuyan, ₱35,121 ang national poverty threshold kada tao para sa isang taon—o halos tatlong libong piso kada buwan. Para sa isang pamilyang may limang miyembro, ito ay ₱14,634 kada buwan. Kung lampas sa halagang ito ang kinikita ng isang pamilya, hindi na sila mahirap.
Ang poverty incidence na 9.7% ay katumbas ng 11 milyong Pilipino na maituturing na mahirap. Mas mababa ito sa 17 milyon noong 2023. Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development, ipinakikita raw nitong nakapagbabago ng buhay ang pagpapalawak sa mga oportunidad at pagpapaigting sa mga tinatawag na social protection na ipinatutupad ng gobyerno.
Pero may babala ang World Bank. Halos 28% ng mga Pilipinong nasa itaas ng poverty threshold (o hindi mahirap) ay napakalapit dito. Ibig sabihin, isang kalamidad o malalang sakit lang ang danasin ng kanilang pamilya, mahuhulog sila sa kahirapan.
Para naman sa IBON Foundation, hindi makatotohanan ang opisyal na poverty threshold, kaya natural na lalabas na kakaunti ang mahihirap. Kung hahatiin ang monthly poverty threshold na ₱14,634 sa tatlumpung araw, pumapatak na sapat na raw para sa isang Pilipino ang ₱96. Anong tingin ninyo rito, mga Kapanalig?
Malayo ang poverty incidence na iniulat ng pamahalaan sa resulta ng self-rated poverty survey ng Social Weather Stations. Sa survey, 49% ng pamilyang Pilipino o mahigit 13 milyong pamilya ang nagsabing mahirap sila. Kaya kung si ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang tatanungin, kailangan talagang isulong ang pagkakaroon ng disente at nakabubuhay na sahod. Masyadong mababa raw ang kinikita ng mga manggagawang Pilipino at ang itinakdang poverty threshold ng PSA na kahit kanin at tuyo lang ang pagkain ng mag-anak, hindi pa rin sila maituturing na mahirap.
Bagamat espiritwal ang pangunahing misyon ng Simbahan, naniniwala tayong ang pagkilos para sa pagbabago sa lipunan, kabilang ang pagbuwag sa mga istraktural na sanhi ng kahirapan, ay bahagi ng ating pananampalataya. Nagmumula ito sa natatanging pag-ibig ng Simbahan sa mga dukha at sa paninindigan para sa makatarungang pagbabahaginan ng mga yaman ng mundo. Binibigyang-diin din ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng pagkakaisa upang tuldukan ang kahirapan, dahil, sabi nga sa isang sikat na awitin, walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.
Hindi natin masasabing makatarungan ang pagbabahaginan ng yaman ng mundo o magagawang makiisa sa mga dukha kung hindi natin matukoy kung sinu-sino at nasaan sila. Pero ang pagtukoy sa kanila ay hindi dapat itinatago lamang sa mga numero at porsyento. Gabay lamang ang mga pamantayan sa pagsukat ng kahirapan, pero hindi pinapalitan ng mga ito ang pagsama sa kanila nang may malasakit para maghanap ng mga paraang magbibigay sa kanila ng buhay na angkop sa kanilang dignidad.
Mga Kapanalig, sinasabi sa Mga Kawikaan 22:22, “Huwag samantalahin ang kahinaan ng mahihirap.” Ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga dukha ay nag-uumpisa sa pagkilala sa kanila at pag-unawa sa kanilang karanasan at kalagayan. Hindi matatapos ang kahirapan sa bansa kung magbubulag-bulagan tayo sa tunay na dami ng mahihirap at lalim ng kahirapang kanilang dinaranas. Sa huli, mag-uumpisa ang lahat sa pagkilala ng mga hamon nang sama-sama tayong makatukoy ng mga konkretong hakbang para wakasan ang kahirapan sa bansa.
Sumainyo ang katotohanan.





