1,589 total views
Sabado ng Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
o kaya Paggunita sa Mahal na Birhen ng Loreto
Sirak 48, 1-4. 9-11
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19
Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.
Mateo 17, 10-13
Saturday of the Second Week of Advent (Violet)
or Optional Memorial of Our Lady of Loreto (White)
UNANG PAGBASA
Sirak 48, 1-4. 9-11
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Noong mga araw na iyon, lumitaw si Elias na parang apoy,
parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,
pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
Sa pangalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,
at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!
Sino ang makatutulad sa mga ginawa mo?
Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipo-ipo,
lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.
Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,
upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;
para pagsunduin ang mga magulang at mga anak,
at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.
Mapapalad ang mga makakakita sa iyo
at yaong mga namatay na umiibig sa Diyos,
sapagkat kami rin ay mabubuhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19
Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.
Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap!
Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.
Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!
Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.
Ang lingkod mong mahal
ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
At kung magkagayon,
magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman,
kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.
Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.
ALELUYA
Lucas 3, 4. 6
Aleluya! Aleluya!
Daan ng Poong nar’yan na
t’wiri’t ihanda sa kanya
Pagtubos n’ya’y makikita.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 10-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Habang bumababa sila sa bundok, tinanong si Hesus ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?” Sumagot siya, “Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, ngunit hindi siya nakilala ng mga tao. At kanilang ginawa sa kanya ang gusto nila. Gayon din naman, pahihirapan nila ang Anak ng Tao.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Sabado
Isinugo ng Diyos sina Elias at Juan Bautista upang paalalahanan ang mga tao na nararapat nilang baguhin ang kanilang pamumuhay. Idalangin natin sa Diyos Ama na tulungan tayong magkamit ng tunay na pagbabagong-loob.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Emmanuel, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang Santo Papa at mga obispo ng Simbahan nawa’y maging inspirasyon ng mga tao upang patuloy na manalig sa Diyos sa kabila ng mga dinaranas na mga paghihirap sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong nagsisikap manampalataya nawa’y makita at madama ang Diyos na kumikilos sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang at guro nawa’y maipamana sa mga kabataan ang pananampalataya na ating kinagisnan sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo at magagandang halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makabahagi sa pag-asa at kagalakang hatid ng panahon ng Adbiyento, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang gantimpala sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, tulungan mo kaming ituwid ang aming mga daan sa panahong ito ng Adbiyento upang kami ay maging handa sa pagdating ni Kristo na aming Panginoon magpasawalang hanggan. Amen.