1,850 total views
Paggunita kay San Francisco Javier, pari
Isaias 30, 19-21. 23-26
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8
Memorial of St. Francis Xavier, priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
UNANG PAGBASA
Isaias 30, 19-21. 23-26
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos na Banal ng Israel: Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo’y diringgin niya sa inyong pagdaing. Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo’y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo. Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.
Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo’y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay makasusumpong ng malawak na pastulan. Ang mga pang-araro ninyong mga baka at asno ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog. Magliliwanag ang buwan na animo’y araw, at ang araw nama’y magliliwanag ng pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito’y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Panginoong ating Diyos ay dakila at malakas,
ang taglay n’yang karunungan, ay walang makasusukat.
Yaong mapagpakumbaba’y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
ALELUYA
Isaias 33, 22
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, aming hukom,
Haring nag-uutos ngayon
kaligtasa’y ‘yong ihatol.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga may sakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”
Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sila’y pinagbilinan ni Hesus: “Hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Sabado
Inaanyayahan tayo ng ating Ama na maging mga tagapaglingkod para sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Manalangin tayo para sa higit na pag-unawa sa kabuluhan ng ating misyon at ang kinakailangang katatagan upang matupad ito.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng pag-aani, pagpalain mo kami.
Ang Simbahang naglalakbay nawa’y higit na humikayat sa tao para sa ganap na pagbabago sa pamamagitan ng kanilang tapat na pagpapatotoo kay Kristo sa kanilang mga gawa at salita, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga misyonero sa mga lupaing banyaga nawa’y maging mabisang tagapaghatid ng Ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y maipamana sa kanilang mga anak ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kabanalan ng kanilang pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga matatanda, may mga kapansanan, mga nalulumbay, at mga sawi nawa’y makadama ng pag-ibig ni Kristo sa pamamagitan ng pagkalinga ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, gabayan mo ang aming hindi matatag na paghakbang habang tinatahak namin ang iyong daan. Tulungan mo kami sa aming pagpupunyagi, patatagin mo ang aming loob kapag kami ay nag-aalinlangan, aliwin mo kami kapag kami ay nasasaktan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.