1,833 total views
Ika-7 ng Enero
1 Juan 5, 14-21
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Juan 2, 1-11
Weekday of Christmas Season (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 5, 14-21
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa Anak ng Diyos, sapagkat alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin na naaayon sa kanyang kalooban. Yamang alam nating dinirinig nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang hinihiling natin sa kanya.
Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayang espirituwal, ipanalangin niya ang kapatid na iyon, at ito’y bibigyan ng bagong buhay. Ito’y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi hahantong sa kamatayang espirituwal, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal.
Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Hesukristo, at hindi sila maaaring anhin ng diyablo. Alam nating tayo’y mga anak ng Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo’y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Hesukristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyusan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
o kaya: Aleluya.
Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
paruhin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa’t tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 2, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni Hesus. Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng ina ni Hesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang panahon ko.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Hesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang sa labi. Pagkatapos sinabi niya, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamamahala ng handaan. Tinikman naman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng tubig, kaya’t tinawag niya ang lalaking ikinasal. Sinabi niya rito, “Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit ipinagpahuli ninyo ang masarap na alak.”
Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni Hesus. Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa kanya ang mga alagad.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
ENERO 7
Nagtitiwalang makaaasa tayo ng habag na katulad ng ipinakita ni Jesus sa mga bagong kasal sa Cana sa Galilea, manalangin tayo sa ating Amang nasa Langit.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, puspusin Mo kami ng iyong mga biyaya.
Ang Simbahan nawa’y laging ibigay ang pinakamagaling mula sa kanya kung paanong ibinigay ni Jesus ang pinakamasarap na alak sa mga bagong kasal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magkasintahang nagbabalak magpakasal nawa’y lumapit kay Jesus upang patatagin ang kanilang pagsasama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawang wala nang sigla ang pagsasama nawa’y muling papag-alabin ang pag-ibig sa isa’t isa ng presensya ni Jesus na siyang pinagmumulan ng lahat ng pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makaranas ng nagpapagaling na kapangyarihan ng pag-ibig ni Jesus sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay kay Kristo nawa’y magtamasa ng kanyang walang hanggang piging sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, hinihiling namin na dinggin mo ang aming mga panalangin, binigkas man o hindi, upang maranasan namin ang magiliw at mapagmahal na presensya ng iyong Anak sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.