6,263 total views
Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
2 Corinto 5, 14-21
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Mateo 5, 33-37
Saturday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
2 Corinto 5, 14-21
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, sapagkat ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok sa akin, ngayong malaman kong siya’y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Kristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y gayon ang aming pagkakilala kay Kristo, ngunit ngayo’y hindi na. Kaya’t ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ibinilang niya akong kaibigan – di na kaaway – at hinirang niya ako upang panumbalikin sa kanya ang mga tao. Ang ibig kong sabihin, ang tao’y ibinibilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nililimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At ipinagkatiwala niya sa akin ang balitang ito.
Kaya’t ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
ALELUYA
Salmo 118, 36. 29b
Aleluya! Aleluya!
Sa salita mo akitin
ang puso ko at loobin
nang ikaw ay aking sundin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 33-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisira sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa Masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon
Nangangailangan ng ganap na pagbabago ng puso at pag-uugali ang wagas na pagtalikod sa kasalanan. Isama natin sa ating mga panalangin ngayon ang ating pagnanais na isabuhay ang ating pananampalataya.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan mo kaming maging tapat.
Ang mga lingkod ng Simbahan nawa’y maipakita nila ang kanilang katapatan at pagsasabuhay ng kanilang banal na mga tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang isang komunidad, nawa’y itugma natin ang ating buhay sa pag-ibig at pagiging mahabagin ni Jesus at hindi sa pagpapakitantao at pagkukunwari, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating sariling buhay, tayo nawa’y maging tunay at tapat na laging handang tumalima sa kalooban ng Diyos nang walang pag-aalinlangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga bigo nawa’y makaranas ng pag-ibig at habag ni Jesus mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y tumanggap ng walang hanggang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, higit mong pagyamanin ang biyayang ipinagkaloob mo sa amin. Tulungan mo kaming tuparin ang aming pangako nang buong puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.