1,741 total views
Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 13, 44-52
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Juan 14, 7-14
Saturday of the Fourth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 44-52
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Apostol
Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang pakinggan ang salita ng Diyos. Inggit na inggit ang mga Judio nang makita nila ang makapal na tao, kaya’t nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Yamang itinakwil ninyo ito, hinatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya’t pupunta kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon:
‘Inilagay kita na maging ilaw sa mga Hentil
upang maibalita mo ang kaligtasan
hanggang sa dulo ng daigdig.’”
Nagalak ang mga Hentil nang marinig ito, at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya; at sumampalataya ang mga hinirang para sa buhay na walang hanggan.
Kaya’t lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga babaing sumasamba sa Diyos at kilala sa lipunan, gayun din ang mga lalaking pinuno ng lungsod: ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya’t ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila’y nagtungo sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay natigib ng galak at napuspos ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
o kaya: Aleluya
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
ALELUYA
Juan 8, 31b-32
Aleluya! Aleluya!
Kapag ang aking salita
sa inyo’y naidambana,
taglay n’yo ang aking diwa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 7-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasa-akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Sabado
Manalangin tayo sa ating Ama na ipakita sa atin ang daan patungo kay Kristo na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, loobin mong manatili kami sa iyong kaluwalhatian.
Atin nawang madama ang presensya ni Jesus na siyang ating Katotohanan sa pamamagitan ng ating pagpapatotoo at mga halimbawa ng ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y akayin ang mga mamamayan sa tamang landas ng katarungan, kapayapaan, at pagkakaisa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maliliit ng ating lipunan nawa’y maibalik ang dangal at pag-asa sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga biktima ng pang-aapi at kahalayan nawa’y magtamo ng katarungan, kalayaan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makarating sa lugar na inihanda ni Kristo para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, manatili ka sa aming piling sa pamamagitan ng iyong Anak, at loobin mong siya ang aming maging Daan, ang aming Katotohanan, at ang aming Buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.