1,731 total views
Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 6, 1-7
Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
1 Pedro 2, 4-9
Juan 14, 1-12
Fifth Sunday of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 6, 1-7
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, dumarami na ang mga sumasampalataya at nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga babaing balo sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya’t tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga sumasampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi naman dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilala sa pagiging mabuti, matatalino at puspos ng Espiritu Santo, at ilalagay namin sila sa tungkuling ito. At iuukol naman namin ang buong panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng Salita.” Nalugod ang buong kapulungan sa panukala ng mga apostol; kaya’t pinili nila si Esteban, isang lalaking matibay ang pananalig sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na naakit sa Judaismo. Iniharap sila sa mga apostol; sila’y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay.
Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos; at ang sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. At maging sa mga saserdote, marami ang sumampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
o kaya: Aleluya.
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na Poon ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Poon, pag-asa ka namin,
pag-ibig mo’y aming hiling.
IKALAWANG PAGBASA
1 Pedro 2, 4-9
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal:
Lumapit kayo sa Panginoon, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espirituwal. At bilang mga saserdoteng nakatalaga sa Diyos, maghandog kayo sa kanya ng mga haing espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos dahil kay Hesurkristo. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Masdan ninyo, itinayo ko sa Sion ang isang batong panulukan,
hinirang at mahalaga;
hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.”
Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga may pananalig.
Ngunit sa mga walang pananalig, matutupad ang nasa Kasulatan:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulukan,” at
“Naging batong katitisuran at ikararapa ng mga tao.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ito ang itinalaga sa kanila.
Datapwa’t kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyag mga alagad: “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Natitipon dito sa harap ni Kristong Muling Nabuhay, ang ating Daan patungo sa Ama, panatag tayong umaasa sa kanyang walang-takdang pagmamahal sa atin. Kaya nga, pakumbaba nating idinudulog sa kanya ang ating mga kahilingan para sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, habang idinadalangin nating:
Panginoong Hesus, akayin mo kami sa Ama!
Para sa Simbahang panlahat, na pamayanan ng mga disipu- long nakapaligid kay Hesus, ang Panulukang-bato: Nawa siya’y maging bukal ng inspirasyon at pag-asa. Manalangin tayo!
Para sa ating Santo Papa, sa ating mga Obispo, ating Kura Paroko, at iba pang pinunong espirituwal: Nawa maipakita nila sa atin ang kabanalan ni Hesus at gabayan nila tayo sa ibayong pakikipagkaisa sa Ama. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng wala nang direksiyon sa buhay, nalilito’t pinanghihinaan ng loob: Matagpuan nawa nila sa mga turo ng Simbahan at sa ating mabuting halimbawa ang kailangan nilang pamamatnubay at pampalakas-loob. Manalangin tayo!
Para sa mga may malubhang karamdaman at malapit nang mamatay: Matagpuan nawa nila sa mga pangako ni Hesus ang sandigan ng kanilang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Tahanan ng Ama. Manalangin tayo!
Para sa bawat isa sa atin at sa ating pamayanan sa parokya: Nawa manatili tayong nagkakaisa sa pagmamahal ni Hesus, na siyang panulukang-bato ng ating gusaling espirituwal. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Diyos na aming Ama, pinasasalamatan Ka namin sa kaloob Mong buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Hesus na Iyong Anak at aming Kapatid. Lahat nawa ng aming isip, salita, at gawa ay umalinsunod sa Iyong kalooban at maghatid sa amin sa kagalakan sa tahanan Mo, kasama ni Hesus at ng Banal na Espiritung iisang Diyos magpakailanman. Amen!