280 total views
Sabado ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Corinto 10, 14-22
Salmo 115, 12-13. 17-18
Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.
Lucas 6, 43-49
Saturday of the Twenty-Third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 10, 14-22
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga pinakamamahal, huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyusan. Ganito ang sinasabi ko sa inyo, sapagkat kayo’y matatalino; kayo na ang humatol. Hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinagpipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.
Tingnan ninyo ang bansang Israel: hindi ba’t ang mga kumakain ng mga handog ay nakikiisa sa ginagawa sa dambana? Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang may kabuluhan ang diyus-diyusan o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyusan? Hindi! Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano’y naghahandog ng kanilang hain sa mga demonyo, hindi sa Diyos, at ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. Hindi kayo makaiinom sa kalis ng Panginoon at sa kalis ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon at sa dulang ng mga demonyo. Ibig ba nating manibugho ang Panginoon? Sa palagay ba ninyo’y may makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 17-18
Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.
Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Maghahandog ako sa D’yos
ng pagpupuring malugod.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 43-49
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahoy sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.
“Tinatawag ninyo akong ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi naman ninyo ginagawa ang sinasabi ko. Ipakikilala ko sa inyo kung kanino natutulad ang bawat lumalapit sa akin, nakikinig ng aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. Katulad siya ng isang taong humukay nang malalim at sa pundasyong bato nagtayo ng bahay. Bumaha, at ang tubig ay bumugso sa bahay na iyon, ngunit hindi natinag, sapagkat matatag ang pagkakatayo. Ngunit ang nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na walang pundasyon. Bumaha, nadaanan ng tubig ang bahay na iyon at pagdaka’y bumagsak. Lubusang nawasak ang bahay na iyon!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Katig sa pananalig sa Ebanghelyo na nag-uutos sa ating magtayo ng bahay espiritwal sa bato, manalangin tayo sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
O Diyos, aming lakas, pakinggan Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y palagiang makita bilang isang matatag at ligtas na tahanang itinindig sa matibay na pundasyong bato, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y maglingkod sa kanilang mamamayan nang may katapatan at katotohanan sa nakalilitong mundong ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang paghuhubog sa mga kabataan nawa’y maitatag ayon sa mga bagay na pinahahalagahan ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong nagdurusa sa isip at pangangatawang paghihirap nawa’y manatiling matatag at mapayapa sa bato ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumaong kamag-anak at kaibigan nawa’y makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa langit, bigyan mo kami ng biyayang maunawaan kung paano nakaugnay ang aming buhay sa kabutihan, kabaitan, at katapangan ng aming kapwa upang maging bukas kami sa kanilang pangangailangan at maging matapat sa aming mga tungkulin. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.