265 total views
Sabado ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Roberto Belarmino, obispo at pantas ng Simbahan
o kaya Paggunita kay Santa Hildegarda ng Bingen, birhen at pantas ng Simbahan
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Corinto 15, 35-37. 42-49
Salmo 55, 10. 11-12. 13-14
Sa harap mo ay lalakad
akong taglay ang liwanag.
Lucas 8, 15
Saturday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Robert Bellarmine,
Bishop and Doctor of the Church (White)
or Optional Memorial of St. Hildegard of Bingen,
Virgin and Doctor of the Church (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 35-37. 42-49
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, may nagtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging ayos ng katawan nila?” Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing inihahasik hangga’t hindi ito namamatay. At ang inihahasik ay hindi punong malaki na, kundi binhi pa, tulad ng butil ng trigo o ng ibang binhi.
Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay. Pangit at walang kaya nang ilibing, maganda’t malakas nang muling buhayin. Inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay na katawang panlangit. Kung may katawang panlupa mayroon ding katawang panlangit. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan: “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha sa alabok; mula sa langit ang pangalawang Adan. Ang mga katawang panlupa ay tulad ng nagmula sa lupa; ang mga katawang panlangit ay tulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo’y katulad ng taong nagmula sa lupa, darating ang araw na matutulad din tayo sa nanggaling sa langit.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 55, 10. 11-12. 13-14
Sa harap mo ay lalakad
akong taglay ang liwanag.
Kung sumapit ang sandaling ako sa ay humibik,
ang lahat ng kaaway ko ay tiyak na malulupig;
pagkat aking nalalamang,
“Diyos ang nasa aking panig.”
Sa harap mo ay lalakad
akong taglay ang liwanag.
May tiwala ako sa Diyos, pangako niya’y iingatan,
pupurihin ko ang Poon sa pangakong binitiwan.
Lubos akong umaasa’t may tiwala ako sa Diyos
kung tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Sa harap mo ay lalakad
akong taglay ang liwanag.
Ang anumang pangako ko’y dadalhin ko sa ‘yo, O Diyos,
ang hain ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
Pagkat ako ay iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na katalunan;
ako ngayon ay lalakad sa harapan mo, O Diyos,
na taglay ko ang liwanag na ikaw ang nagdulot!
Sa harap mo ay lalakad
akong taglay ang liwanag.
ALELUYA
Lucas 8, 4-15
Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa D’yos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 8, 15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, dating nang dating ang mga taong nanggagaling sa mga bayan-bayan at lumalapit kay Hesus. Nang natitipon na ang napakaraming tao, isinalaysay niya ang talinghagang ito:
“May isang taong lumabas para maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan at nayapakan, at ang mga ito’y tinuka ng mga ibon. May nalaglag sa kabatuhan, at pagtubo ay natuyo dahil sa kawalan ng halumigmig. May nalaglag naman sa dawagan. Lumago ang dawag at ininis ang mga binhing tumubo. Ang iba’y nalaglag sa matabang lupa, tumubo at namunga ng tig-iisandaang butil.” At malakas niyang idinugtong, “Makinig ang may pandinig!”
Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Sumagot si Hesus, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit sa iba’y sa pamamagitan ng mga talinghaga, upang:
‘Tumingin man sila’y hindi makakita;
At makinig man sila’y di makaunawa.’
Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga nakinig, ngunit dumating ang diyablo at inalis sa kanilang puso ang salita upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag sa kabatuhan ay ang mga nakinig ng salita at tumanggap nito nang may galak, ngunit hindi ito tumimo sa kanilang puso. Naniwala silang sandali, subalit sa panahon ng pagsubok ay tumitiwalag agad. Ang mga nahasik naman sa dawagan ay ang mga nakinig ngunit nang malaon ay nadaig ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan, kaya’t hindi nahinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa’y ang mga nakinig ng salita. Iniingatan nila ito sa kanilang pusong tapat at malinis at sila’y nagtitiyaga hanggang sa mamunga.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Tinuturuan tayo ni Kristo sa pamamagitan ng mga talinhaga. Si Kristo ang naghahasik ng mga butil ng Salita ng Diyos. Tumugon tayo sa kanyang gawain sa pamamagitan ng ating pananalangin sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng ani, maging butihin kayo sa amin.
Ang Simbahan sa daigdig nawa’y maging katulad ng mayamang lupa na nagbubunga ng tig-iisandaang ani, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng ating bansa nawa’y maglingkod sa pamamaraang kalugud-lugod sa Diyos at sa sambayanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos sa ating buhay nawa’y huwag sakalin ng mga hindi naitatamang mga ambisyon at pagkamakasarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y madama nila ang mapagpagaling na kapangyarihan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y masiyahan sa liwanag, kaligayahan, at kapayapaan sa kalangitan at yaong mga nabibigatan sa pagdadalamhati nawa’y mapatatag ng Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming makilala ang butil ng iyong Salita at gawa sa aming buhay. Huwag nawa kaming magumon sa mga alalahanin ng mundong ito, bagkus, maging aktibo kami sa paglilingkod, at tuluyan nang magbunga ito ng masaganang ani. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.