3,606 total views
Sabado ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Corinto 4, 6b-15
Salmo 144, 17-18. 19-20. 21
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Lucas 6, 1-5
Saturday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 4, 6b-15
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin naman ang iba. Ano ang kahigtan ninyo sa iba? Hindi ba lahat ng nasa inyo’y kaloob ng Diyos? Kung gayun, bakit ninyo ipinagyayabang na waring hindi kaloob sa inyo?
Kayo pala’y nasisiyahan na! Mayayaman na kayo! Kayo pala’y mga hari na – hindi na ninyo kami isinama! Sana nga’y naging hari kayo upang kami nama’y maging hari, kasama ninyo. Sapagkat sa wari ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Diyos na maging pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan, isang panoorin ng sanlibutan – ng mga anghel at ng mga tao. Kami’y mga hangal alang-alang kay Kristo; kayo’y marurunong tungkol kay Kristo! Mahihina kami; kayo’y malalakas! Hinahamak kami; kayo’y pinararangalan! Hanggang sa oras na ito, kami’y nagugutom, nauuhaw, halos hubad; pinagmamalupitan kami at walang matahanan. Nagpapagal kami upang may ipagtawid-buhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami’y pinag-uusig; tinitiis namin ito. Malumanay na pananalita ang isinusukli namin sa mga naninirang-puri sa amin. Hanggang ngayon, kami’y parang mga yagit – pinakahamak na uri ng tao sa daigdig.
Ito’y sinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang parangalan bilang mga anak na minamahal. Sapagkat maging sampunlibo man ang inyong guro tungkol sa pamumuhay Kristiyano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo’y naging anak ko sa pananampalataya kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinangaral ko sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 17-18. 19-20. 21
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Yaong kailangan niyong mga taong may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
yaong umiibig sa kanya nang lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama’y wawasakin niya’t walang mabubuhay.
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Aking pupurihin ang Panginoong Diyos, di ko tutugutan
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 1-5
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Hesus sa triguhan. Ang kanyang mga alagad ay nangitil ng uhay, at kanilang kinain ang mga butil matapos ligisin sa kanilang mga kamay. “Bakit ninyo ginagawa sa Araw ng Pamamahinga ang ipinagbabawal ng Kautusan?” tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Panginoon, kumuha ng tinapay na handog sa Diyos at kumain nito. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama, bagamat ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Manalangin tayo sa Diyos Ama na umangkin sa atin bilang kanyang mga malayang anak kay Jesu-Kristo, na kanyang bugtong na Anak.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sagipin nawa kami ng Iyong Salita, O Panginoon.
Ang mga Kristiyano nawa’y kilalanin ang mga utos ng Diyos bilang pinto sa kalayaan mula sa kasalanan at kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga may tungkulin sa pagpapatupad ng batas at sa gobyerno nawa’y unahin ang kabutihan ng mga tao kaysa sa mga pinagkakaabalahan ukol sa batas, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pagsamba sa Diyos na hindi natin nakikita, nawa’y hindi natin malimutan ang nangangailangan nating mga kapatid na ating nakikita, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nagdurusa sa iba’t ibang pisikal at espiritwal na karamdaman nawa’y hilumin ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nawa’y mamahinga sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, ang bawat batas mo nawa’y maging paanyaya sa amin upang mahalin at paglingkuran ang aming mga kapatid, unawain sila, igalang, at gabayan upang maging gabay rin namin sila. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.