208 total views
Pinaboran ni First Grade Finance, Incorporated President Astro Del Castillo ang suhestiyon ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtayo ng Protected Food Supply Exclusive Zone sa Benham Rise para maprotektahan ang marine resources sa lugar.
Ayon kay Del Castillo, maganda ang ideya ng kalihim ngunit dapat itong masusing pag-aralan upang maprotektahan at mapakinabangan ng pangmatagalan ang yamang dagat ng 13-milyong hektaryang Benham Rise.
“Hindi mura ang maglagay ng mga infrastructure, it will take time and resources, so kailangan pag-aralan talaga. Maganda yung idea ni Sec. Pinol. Yung approach lang and execution should really be studied para naman
ma-maximize natin yung best use ng area,” pahayag ni Del Castillo sa Radyo Veritas.
Iginiit din ni Del Castillo na malaking tulong para sa Pilipinas kung maisasakatuparan ang plano na tutugon
sa supply ng marine resources ng bansa at makapagbibigay ng trabaho sa mga mangingisda sa lugar.
“It will really help lalo na sa food security issue is very important. At least mayroon tayong assured area na pwedeng pangisdaan para masupply ‘yung ating food needs at mga pangangailan na pagkain. Kailangan talaga ng pag-aral how’s the best approach and how do we finance fisherman for bigger boats,” dagdag pa ni Del Castillo.
Kabilang sa mga itatayo sa Benham Rise ang Coast Guard stations, weather radar station at Marine research centers para sa mas maigting na pag-aaral ng mga marine scientists.
Sa pag-aaral ng International Organization na Oceana, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at University of the Philippines noong 2016, nadiskubreng may tinatayang 200 species ng isda ang nabubuhay sa Benham Rise kabilang ang tiger shark, hawkfish at pacific bluefin tuna na isa sa pinakamahal na isda sa mundo.
Una nang idineklara ng United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf noong 2012 na ang Benham Rise ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Patuloy naman ang panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang ensiklikal na Laudato Si na pahalagahan ang likas na yaman ng mundo upang mapakinabangan at maabutan pa ito ng susunod na henerasyon.