1,093 total views
Ang pagmamahal ng isang ina sa anak ang pinakamalapit na sa pag-ibig ng Diyos.
Ito ang mensahe ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa pagdiriwang ng Mothers day lalo na sa mga Ina na Overseas Filipino Worker.
“Palagi ko pong sinasabi na ang pagmamahal ng mga Nanay ay closest to the love of God, dahil kapag isinisilang tayo ng mga Nanay, ang kanilang isang paa ay nasa hukay. Masasabi talaga nila na they are ready to die for their children,” ayon kay Bishop Malllari.
Ayon kay Bishop Mallari, hindi nababawasan ang pagmamahal ng mga OFW mother sa kanilang pamilya at mga anak bagamat nasa malayong lugar sila nagtatrabaho.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, umaabot sa 2.4 na milyon ang OFW sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan mahigit sa 1.2 milyon dito ay pawang mga babae.
Sinabi ng Obispo na ang ipinapakitang pag-aalaga ng mga Filipina mothers sa hindi sariling anak ay pag-aalaga na rin sa mga anak na naiwan sa Pilipinas.
“Sa mga OFW’s alam namin na madalas ang inilaagaan ninyo ay hindi ang inyong anak, at dahilan din ng pagkalungkot dahil naalala ang sariling pamilya. Pero sana tandaan niyo ang kabutihang ginagawa niyo sa mga batang inaalagaan ninyo ay isang malaking kontribusyon para sa paglago ng mundo, lalo na ang pagbubuo ng mga tao na marunong magmalasakit sa kapwa”. papuri ni Bishop Mallari.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, tinutulan nito ang paggamit ng pangalang Ina o Mother sa mga mapaminsalang armas tulad ng Mother of all bombs na ginamit ng US laban sa mga terorista sa Afghanistan.
Ipinapaalala ng Santo Papa na ang ina ay mapagmahal at nagbibigay ng buhay at hindi para pumaslang.