1,493 total views
Labing pitong bagong Obispo ang dumalo sa katatapos lamang na 119th plenary assembly ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ang 17 bagong Obispo ay itinalaga ni Pope Francis sa nakalipas na dalawang taon.
Sa katatapos lamang na pagtitipon, nagkaroon ng pagkakataon ang mga bagong Obispo na makilala ang kapwa obispo at ang kalakarang umiiral sa loob ng simbahan.
Simula 2018 hanggang ngayong Hulyo 2019 labing pito ang naitalagang obispo ni Pope Francis: Naval Bishop Rex Ramirez; Mati Bishop Abel Apigo; Iba Bishop Bartolome Gaspar; Tandag Bishop Raul Dael; Kabankalan Bishop Louie Gabines; Tagum Bishop Medil Aseo; Marbel Bishop Cerilo Casicas; Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco; San Fernando at La Union Bishop Daniel Presto ang mga naitalaga ni Pope Francis sa taong 2018.
Itinalaga naman ni Pope Francis ngayong taong 2019 sina Pagadian Bishop Ronald Lunas; San Jose De Antique Bishop Marvyn Maceda; Daet Bishop Rex Alarcon; Lingayen-Dagupan Bishop Fidelis Layog; Butuan Bishop Cosme Almedilla; Iligan Bishop Jose Rapadas; Basilan Bishop-elect Leo Dalmao; at Novaliches Bishop-elect Roberto Gaa.
Sa pagpili ng Obispo, sinabi ni Bishop Pabillo na ito ay sa pamamagitan ng Apostolic Nunciature na silang nagbibigay ng mga posibleng kandidatong pari na nagtataglay ng mabuting pag-uugali, kakayahang mamuno para imbestigahan o ang tinatawag na subsecreto.
Matapos ang imbestigasyon ay ipapadala naman ang mga pangalan na pagpipilian sa Roma para sa panibagong pag-aaral bago ibigay kay Pope Francis na siyang magdedesisyon ng mapipiling kandidato bilang obispo.
Ngayong taon, mula sa 86 na diyosesis sa Pilipinas tatlo na lamang ang sede vacante na kinabibilangan ng Apostolic Vicariates ng Jolo, Sulu; San Jose, Mindoro; at Taytay, Palawan.
Pagboto at pamumuno ng mga opisyal ng CBCP
Kalimitang nagtitipon ang mga obispo ng CBCP dalawang beses sa isang taon tuwing buwan ng Enero at Hulyo.
Habang kada makalawang taon naman naghahalal sa pamamagitan ng secret balloting para pamunuan ang kalipunan sa loob ng isang taon.
Bukod sa pangulo at pangalawang pangulo kabilang din sa mga inihahalal ang 29 na commission ng CBCP.
Ang mga opisyal ng simbahan ay mamumo sa loob ng dalawang taon, at maaring mahalal para sa ikalawa- at huling termino o kabuuang apat na taon.
Habang ang mga chairman ng bawat kumisyon ay hanggang sa tatlong termino o kabuuang anim na taon.
Sa katatapos lamang na pagtitipon muling nahalal sina Davao Archbishop Romulo Valles bilang pangulong CBCP at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang pangalawang pangulo para sa kanilang ikalawa at huling termino na magtatapos sa Nobyembre 2021.