1,399 total views
Hiniling ng isang grupong Muslim sa Marawi City sa Senado ang pagkakaroon ng Senate inquiry sa naganap na digmaan sa lungsod na umabot ng limang buwan.
Ayon kay Agakhan Shariff, pinuno ng Dansalantao sa Kalilintan Movement ng Marawi, dapat matukoy kung sino ang may pagkukulang kung bakit nalusob at nakubkob ang lungsod ng Maute-ISIS group.
Iginiit ni Shariff na hindi dapat isisi sa sibilyan kung bakit nagkaroon ng kuta ang mga terorista sa Marawi at hindi naiulat sa kinauukulan.
“Sana po magkaroon ng Senate hearing. Kasi para malaman natin kung sino ang nagkamali. ‘Yung gobyerno ba, yung sibilyan ba, yung local government ba? Kasi para sa amin nasaan ang intelligence fund na milyon-milyon na ginagamit ng ating pamahalaan. Bakit ang pumasok sa Marawi City daan-daan mga rebelde, bakit nasaan sila?,” pahayag ni Shariff sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Bagama’t nagagalak sa deklarasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na paglaya ng Marawi City laban sa mga terorista, patuloy pa ring nangangamba ang mga mamamayan dahil hindi pa tuluyang natatapos ang digmaan.
Inihayag ni Shariff na may mga natitira pang Maute-ISIS members na nakikipaglaban sa puwersa ng pamahalaan at hawak pa rin ng mga ito ang may 18 bihag.
Umaasa rin si Shariff na sa lalung madaling panahon ay makabalik na sila sa Marawi City lalu na sa mga barangay na hindi naman apektado ng digmaan.
Ayon kay Shariff, apat hanggang sa limang barangay lamang ang apektado ng gulo.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, binubuo ng 96 na barangay ang Marawi na may higit sa 300,000 ang populasyon.
Una na ring nagpahayag ng kaniyang kagalakan si Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa napipintong pagtatapos ng digmaan, kasunod ng pagkamatay nina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Read: Pagkamatay ng ISIS-Maute leader, hudyat ng kapayapaan sa Marawi.
Bago inihayag ng Pangulong Duterte na liberated na ang Marawi ay nailunsad na ang Duyog Marawi na ang layunin ay maghatid ng tulong sa mamamayan ng lungsod gayundin ang rehabilitasyon ng mga nasirang gusali at mga bahay.
Naglaan naman ng P40 B piso ang pamahalaan para sa pagsasaayos ng lungsod sa oras na tuluyang matapos ang digmaan at ang clearing operations.