371 total views
Manila,Philippines- Dismayado ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa naging paraan ng paglalabas ng saloobin sa pamahalaan ng ilang mga dumalo sa naganap na SONA Mass for Peace and Justice sa kasagsagan ng banal na misa.
Ayon kay Rev. Fr. Douglas Badong – Parochial Vicar ng Quiapo Church, hindi naangkop ang paglalabas ng mga placards at pamimigay ng mga flyers na nagpapahayag ng pagtutol sa pamahalaan sa loob ng Simbahan at sa kasagsagan mismo ng banal na pagdiriwang.
Paliwanag ng Pari, banal at taimtim ang pagsasagawa ng banal na misa na hindi dapat haluan ng anumang intensyon tulad ng ginawa ng mga nakunan ng larawan at video sa loob ng Simbahan na kinumpiska ng mga pulis.
“hindi yun yung venue para mag-express ng mga ganung mga placards, so medyo nag-ano lang siguro sa paraan ng pulis na hinablot yung mga gamit, kasi ayaw ding makinig nung hindi ko alam kung aktibista ba yun o ralihista, kumbaga peaceful way yung misa natin na hindi appropriate na maglabas (ng placards) at mamigay ka (ng flyers) sa loob ng misa habang nagmimisa kasi offertory nga yung part na yun, so yun yung side nung staff namin, nung pulis dun sa nangyaring yun….” pahayag ni Fr. Douglas Badong sa panayam sa Radyo Veritas
.
Inihayag ni Fr.Badong na sa simula pa lamang ay pinakiusapan ng pamunuan ng Quiapo church ang dalawang sangkot na itigil na ang paglalabas ng placards at pamimigay ng flyers sa loob ng simbahan na kanilang binalewala.
“Sa simula pa lamang ay pinakiusapan na ang dalawang sangkot sa insidente na itigil ang paglalabas at pagpapakita ng placard na may nakasulat na “Resist Anti Terror Law!” sa loob ng Simbahan gayundin ang pamamahagi ng babae ng mga flyers sa mga dumadalo sa banal misa.”paglilinaw ng pari sa Radio Veritas
Gayunpaman ipinagpatuloy ito ng dalawa dahilan upang puwersahang kunin ng mga pulis ang mga iba pang gamit ng mga ito.
“Nagtanong kasi kami dun sa mga staff, nakausap ko din yung Major yung nasa video pinakiusapan na yung dalawa yung involve may dalang placard at yung babae, pinakiusapan sila na huwag gagawin yun diba naglabas siya ng placard na ‘Anti-Terror’, malinaw naman na yung misa ay sa pagdarasal para sa kapayapaan at katarungan, yun ang intensyon pero naglabas siya ng placard eh pinakiusapan siya na huwag ginawa pa din niya and then yung babae naman habang nasa misa ay namimigay ng flyers so sinita din, habang sinisita siya ibinalik sa pulis yung paninita na “bakit bawal ba ito?” so yung ginawa ng pulis kinuha yung mga materials, yun nga lang yun lang ang nakita sa video…” Dagdag pa ni Fr. Douglas Badong
Nilinaw ng Pari na bagamat kaisa ang Simbahan sa pagtutol sa mga batas na maaring lumabag sa karapatang pantao at kalayaan ng mamamayan tulad ng kontrobersyal na Anti-Terror Law ay hindi naman naangkop at katanggap-tanggap ang naging paraan ng pagpapahayag ng pagtutol sa batas at sa pamahalaan ng mga dumalo sa isinagawang banal na pagdiriwang sa Simbahan.
“May mali kasi dun sa expression nung nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa pamahalaan wrong timing parang wrong time and wrong venue kasi misa yun… Nakikiisa tayo sa pagpapahayag nila ng pagtutol sa ganyang batas pero may tamang venue.” Pagbabahagi pa ni Fr. Badong.
Nauna ng inihayag ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na ang naturang SONA Mass for Peace and Justice at ang pag-aalay ng buong arkideyosesis ng banal na misa para sa katarungan at kapayapaan ng bayan ang tanging maiaambag ng Simbahan para sa kapakanan ng buong bansa kasabay ng ika-5 State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.