366 total views
Humingi ng pang-unawa ang Minor Basilica of the Black Nazarene sa mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa pagkansela ng taunang Traslacion tuwing Enero.
Ayon kay Reverend Father Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, bagamat nakalulungkot na hindi maisagawa ang traslacion sa pista ng Nazareno ay mahalagang pangalagaan ang kalusugan ng bawat mamamayan.
“Sa mga deboto hinihiling namin yung pang-unawa sa sitwasyon, nakalulungkot man na hindi natin magagawa yung tradisyon natin at kultura ng pagdiriwang ng traslacion pero kailangan nating unawain ang desisyon; hindi talaga pwede ang Luneta to Quiapo na traditional procession kasi very risky,” pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
Isa sa mga hakbang na iminumungkahi ng simbahan ang pagdadagdag ng mga misa sa loob ng siyam na araw ng nobenaryo lalu sa araw ng kapistahan sa ikasiyam ng Enero.
Tiniyak ni Fr. Badong sa mamamayan na susundin ang panuntunan na itinakda ng Inter Agency Task Force sa bilang ng mananampalataya na makadadalo ng misa sa loob ng simbahan.
Sinabi ng Pari na may mga volunteers na mga Hijos ang magiging katuwang ng mga pulis sa pagpatupad ng safety measures sa paligid ng Quiapo sa araw ng kapistahan upang matiyak na masunod ang physical distancing.
Balak din ng pamunuan ng Quiapo Church na humingi ng tulong sa mga simbahan sa buong bansa na magsagawa ng nobenaryo para sa kapistahan ng Poong Nazareno upang mabawasan ang mga debotong magtutungo sa Basilica.
“Ikakalat namin ang celebration sa buong Pilipinas, papakiusapan sana namin lahat ng simbahan na magsagawa ng mga novena masses para sa kapistahan nang sa ganun ay hindi na pumunta ang mga deboto dito sa Quiapo kundi doon na sa kani-kanilang simbahan,” dagdag ng pari.
Magugunitang sa taunang Traslacion nakapagtatala ito ng mahigit sampung milyong deboto ng Mahal na Pooong Nazareno ang nakikilahok sa prusison mula Luneta hanggang makabalik sa simbahan ng Quiapo ang imahe na tumatagal ng mahigit sampung oras.
Hiling ni Fr. Badong sa mananampalataya ang patuloy na pagdarasal para sa kaligtasan ng bawat mamamayan at makatuklas na bakuna na maaring lunas sa nakahahawang corona virus.