1,147 total views
Inihayag ng Department of Labor and Employment na positibong pagsulong sa karapatan ng mga manggagawa ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act (RA) 11058, o An Act Strenghtening Compliance with Occupational, Safety and Health (OSH) Standards.
Ayon kay DOLE Undersecretary Joel Maglunsod ng Labor Relations Special Concerns and Regional Operations, malaking tulong sa mga manggagawa sa Pilipinas ang pagsasabatas ng Occupational Safety and Health upang matiyak na ligtas ang bawat manggagawa sa lugar na kanilang pinagtatrabahuan.
“Landmark legislation ito since matagal na itong hinihintay ng ating mga mamamayan. Kasi totoo namang may batas na OSH pero kulang sa ngipin kaya’t pinalalakas ito ng Pangulo.”pahayag ni Maglunsod.
Sinabi ni Maglunsod na dahil sa batas ay maari nang humiling ang mga manggagawa sa mga kumpanya ng maayos at komportableng lugar ng trabaho tulad na lamang ng proper ventilation, angkop na mga kagamitan at angkop na mga kasuotan na magpoprotekta sa kalusugan ng mga manggagawa.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang RA 11058 noong ika – 17 ng Agosto kung saan sinasaad din dito ang pagpataw ng parusa tulad ng pagmumulta ng hanggang 100, 000 piso sa mga kumpanyang lalabag.
Inihayag ni Maglunsod na sinisikap ng D-O-L-E na madadagdagan pa ang mahigit 500 labor laws compliance officers hanggang sa 2, 000 upang matiyak na susunod ang mga kumpanya sa mga itinakdang batas hinggil sa mga manggagawa.
Hinimok din ng opisyal ang mga manggagawa na agad ipagbigay alam sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE ang mga iregularidad ng mga kumpanya upang magsagawa ng agarang imbistigasyon ang ahensya.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika binigyang diin nito ang kahalagahan sa pagbibigay pansin sa mga manggagawa na bukod sa ligtas ng pagtatrabahuan ay mahalaga ring mabigyan ito ng tamang pasahod at benepisyo.