5,624 total views
Ipinarating ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagtitiwala kay Father Douglas Badong sa pagkakatalaga na bagong Kura Paroko ng Saint Joseph Parish, Gagalangin Tondo, Manila.
Tiwala si Cardinal Advincula na maging mabuting pastol si Father Badong upang maipagpatuloy ang wastong paggabay sa mga mananamapalataya ng parokya.
“Father Douglas, ang pagmamahal mo kay Hesus ang pagmumulan ng iyong lakas at sigla sa paglilingkod mo sa parokyang ito ng Gagalangin, nagsisimula ang lahat sa pagmamahal kay Hesus, sa pag-ibig kay Hesus bago pa man iatas kay Pedro na pakiinin ang kaniyang mga tupa, kalingain ang mga tupa, tinanong ni Hesus si Pedro, iniibig mo ba ako? do you love me? nagsisimula ang lahat sa pag-ibig kay Hesus,” ayon sa mensahe ni Cardinal Advincula para kay Father Badong.
Nagpapasalamat din si Father Badong sa pagtitiwala ni Cardinal Advincula upang magsilbi sa lugar at muling mailapit ang mga mananampalataya sa Panginoon.
Ayon sa Pari, katulad ni San Jose Manggagawa ay tinatanggap niya ang bagong hamon upang magsilbing pastol ng mga mananampalataya sa Gagalangin Tondo.
Sinabi ng Pari na tinatanggap niya ang bagong misyon nang may pagpakumbaba sa puso na mayroong pinaigting at mas malalim na pananalig at pagpapasalamat sa bagong pagkakataon na magsilbing pastol ng parokya.
“Una salamat sa ating Cardinal na ipinagkatiwala niya itong paglilingkod, pagpapastol dito sa Parokya ni San Jose Gagalangin, at siyempre umaasa din tayo sa kaniyang suporta, panalangin para po magawa natin ang nararapat na may pagpapakumbaba ang pagiging pastol ng parokyang ito,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Badong.
Paanyaya naman ni Father Badong sa mga mananampalataya ang pakikiisa sa simbahan at pagtutulungan upang maisakatuparan ang mga plano ng Panginoon at sama-samang paglalakbay bilang nag-iisang simbahan.