1,982 total views
Bilang pakikiisa sa gaganapin Red Wednesday sa November 23, inaanyayahan ang bawat mananampalataya na magsuot ng pulang damit na tanda ng pakikiisa sa lahat ng mga nakakaranas ng pang-uusig ng dahil sa pananampalataya.
Ito ang paanyaya ni Fr. Reynante Tolentino, Parish Administrator and Shrine Rector ng Our Lady of Peace and Good Voyage sa muling paggunita ng simbahan sa Pilipinas sa Red Wednesday campaign na inisyatibo ng Aid-to-the Church In Need-ang pontifical foundation ng Vatican.
Giit ng pari ang paggunita at pakikiisa sa kampanya ay pagpapakita rin ng kahandaan ng bawat isa na mag-alay ng ng buhay para kay Hesus at sa simbahan.
Ang paggunita ng Red Wednesday ay isa ring pagpapakita ng kahandaan na mag-alay ng buhay para kay Hesus, gayundin ang pananalangin at pagkilala sa Kristiyanong dumaranas ng pag-uusig sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
“At ipakita rin natin sa pamamagitan ng pulang damit mga kapatid sa November 23 na tayo ay handang mag-alay ng ating buhay para kay Hesus at para sa ating Simbahan na tulad ng mga Kristiyanong inuusig dahil sa Mabuting Balita.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Tolentino.
Paliwanag pa ni Fr. Tolentino na bilang mga Kristiyano ay dapat ding maging handa ang bawat isa na mag-alay ng sarili para sa pananampalataya sa Panginoon tulad ng mga martir sa kasaysayan ng Simbahan na dumanas at patuloy na dumaranas ng pag-uusig dahil sa pananampalataya.
“Alam natin sa kasaysayan ng ating Simbahan maraming inuusig at patuloy na inuusig dahil sa pananampalataya kaya nga taon taon mayroon tayong Red Wednesday upang sila ay ipagdasal, alalahanin at upang sama-sama tayo bilang mga Kristiyano, bilang mga Katoliko na maghanda rin ng ating sarili.” dagdag pa ni Fr. Tolentino.
Tema ng Red Wednesday Campaign ngayong taon ang “Blessed are the Persecuted” na layong higit na palakasin ang panawagan para sa pananalangin at pagbibigay pugay sa mga Kristiyanong inuusig.
Pangungunahan naman ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang misa para sa paggunita ng Red Wednesday ganap na ika-anim ng gabi sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o kilala rin bilang Antipolo Cathedral na susundan ng pagpapailaw ng kulay pula sa harap ng simbahan bilang pag-alala sa lahat ng mga Kristiyanong inuusig sa buong daigdig.
Ayon sa tala ng World Watch List noong nakalipas na taon, may 350-milyong kristiyano ang nakaranas ng pag-uusig, kabilang na ang 5,898 na pinaslang ng dahil sa pananampalataya.