2,290 total views
Pangungunahan ng kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas ang pagtatalaga sa Minor Basilica and Archdiocesan Shrine Parish of St. Anne sa Taguig City.
Gaganapin ang solemn declaration sa Lunes, November 21 na pamumunuan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ganap na ika-siyam ng umaga.
Inaanyayahan ng pamunuan ng dambana ang mananampalataya na makiisa sa makasaysayang gawain sa kauna-unahang basilica ng Diocese of Pasig.
Katuwang ni Archbishop Brown sa pagdiriwang si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara habang inaasahan din ang pagdalo ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at iba pang mga bisitang obispo at pari.
Hulyo ng kasalukuyang taon ng gawaran ni Pope Francis ng Minor Basilica status ang simbahan na itinuring na isa sa nagpapalago ng pananampalataya sa lunsod makaraang hiranging patron ng Taguig City si Sta. Ana.
Ito na ang ika-21 minor basilica sa Pilipinas at ikalima naman sa buong National Capital Region.