228 total views
Inihahanda na ng Archdiocese of Manila ang pagpapadala ng 300 libong pisong donasyon sa mga diocese na naapektuhan ng bagyong lawin.
Ayon sa Caritas Damayan, ang Disaster Risk Management and Response Program ng Caritas Manila, kinukumpleto nila sa kasalukuyan ang mga datos mula sa mga Social Action Center ng mga apektadong Diocese.
Tiniyak ng Caritas Damayan ang agarang pagpapadala ng rehabilitation assistance sa mga Diyosesis na sinalanta ng bagyo.
Ang pondo ay magmumula sa iba’t-ibang mga Parokya sa lungsod ng Maynila,Pasay,Mandaluyong, San Juan at Makati kasama ang pondo mula sa Alay Kapwa Program ng Archdiocese of Manila.
Ang Alay Kapwa ay isang programa ng Simbahang Katolika tuwing panahon ng kuwaresma kung saan lumilikom ng pondo para itulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Ilan sa mga diyosesis na labis na napinsala ng bagyong Lawin ay ang Archdiocese of tuegegarao sa Cagayan, Diocese of Ilagan sa Isabela, Apostolic Vicariate of Tabuk sa Kalinga Apayao, at Diocese of Laoag, sa Ilocos Norte.
Nabatid na aabot sa 657 milyong piso ang kabuuang halaga ng pinsala ng bagyong lawin sa mga lalawigan sa hilagang Luzon.
Sa datos ng NDRRMC, aabot sa 13,428 pamilya o mahigit 61,126 indibidwal ang naapektuhan sa limang rehiyon sa Luzon.
Ang bagyong Lawin ang pinakamalakas na bagyo na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taong 2016.