506 total views
“Walang disiplina sa sarili.”
Ito ang nakikita ng Automobile Association of the Philippines na isa sa pinaka-dahilan kung bakit mabigat ang daloy ng trapiko sa Pilipinas.
Ayon kay Johnny Angeles, Vice President ng samahan, bagamat nakalagay sa Republic Act 4136 Chapter 4 na kailangang sundin ang batas trapiko sa pamamagitan ng imprastraktura, edukasyon at enforcement subalit hindi ito nasusunod kayat bumibigat ang suliranin sa lansangan.
Inihalimbawa ni Angeles na may mga nakakakuha ng lisensiya nang hindi sumasailaim sa seminar kayat wala silang disiplina at hindi alam ang batas trapiko.
“Sa RA 4136 chapter 4 sundin ang lahat ng batas trapiko like infrastructure, educate the people to use the pedestrian, educate how to drive their cars etc. which is missing; Ikatlo ang enforcement yung matitigas ang ulo na di susunod sa batas trapiko, dapat warningan, ang problema nakakauha sila ng lisensiya nang hindi sila nag-e-exam, that is one of the biggest draw back, if you love the Philippines, we must obey all the rules and regulations especially sa traffic. If susunod lahat ng motorist sa batas trapiko malalaman na may disiplina dito sa bansa, gaya ng pagbaba mo sa ibang bansa maayos ang mga sasakyan sa airport nila pero dito ang gugulo alam mong walang disiplina, nakakahiya. Dapat mag seminar muna for one week bago maisyuhan ng lisensiya, nakalagay yan sa RA 4136,”pahayag ni Angeles sa panayan ng Radyo Veritas.
Sang-ayon naman dito ang Highway Patrol Group (HPG) na kinakailangan ang disiplina sa sarili ng mga motorista.
Dahil dito, ayon kay Elizabeth Velasquez, tagapagsalita ng HPG, nagsasagawa sila ng lingguhang seminar sa mga motorist kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin habang nasa lansangan.
“May education process kami every Sunday mga taxi drivers and operators na tine-train namin, 20,000 operators and drivers, 6 months na silang pababalik-balik, aside from that may 18 regions nationdwide and we have this program na nagseseminar kami ng mga motorists, mandato namin ang education sa motorist HPG,” ayon kay Velasquez.
Maliban sa disiplina sa lansangan, isa din sa nakikitang dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko ang malaking bilang ng mga sasakyan na dumaraan partikular na sa kahabaan ng EDSA.
Sa record ng Metro Manila Development Authority, nasa 324,000 na sasakyan ang dumaraan sa EDSA kada araw.
“Problema natin sa traffic ang volume ng mga sasakyan so ang program namin is volume reduction sabi ng MMDA 324,000 a day ang dumadaan sa EDSA, so saan yun dumaraan, nakatambak sa kalsada sa dami,” ayon kay Velasquez.
Sa ulat, pang 10 ang Pilipinas sa buong bansa na may pinaka-malalang sitwasyon sa daloy ng trapiko kung saan nangunguna ang Egypt.
Sa social doctrine of the Church, kinakailangan namamayani ang disiplina sa sarili ng bawat isa para na rin sa kapakinabangan ng kapwa at ng komunidad.