334 total views
Pinatitiyak ng isang Obispo sa pamahalaan na nagagamit sa basic services ng mamamayan ang multi-billion dollar na inuutang ng Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, hindi dapat ipinagmamalaki ng pamahalaan ang malaking nauutang nito sa halip ay tutukan kung nabibigyan ng sapat na serbisyo ang taumbayan.
Ikinababahala ni Bishop Pabillo na habang lumalaki ang utang ng Pilipinas ay lumalaki din ang bilang ng mga Filiipno na naghihirap at nangangailangan pa rin ng tulong ng pamahalaan.
“Ang problema kasi, ipinagmamalaki ang utang natin pero babayaran din natin ‘yan. Kaya sa halip na ang pera ay gastusin sa basic services, siya nagagastos sa pambayad ng utang kaya hindi ‘yan isang palatandaan na maunlad tayo, na nakakautang tayo ng malaki kasi tayo din naman magbabayad niyan. Kaya ang tanong sana, ay ang mga inutang ba natin ay karapat-dapat ba, legitimate ba at ito ba ay nakikinabang ang mga tao?” hamon ni Bishop Pabillo sa pamahalaan sa panayam ng Radio Veritas.
Inihalimbawa ng Obispo na hindi sapat ang conditional cash transfer ng pamahalaan na ibinabahagi sa mga mahihirap na ang pondo ay inutang pa ng bansa.
“Hindi naman mahalaga kung maraming pera ang bansa, ang mahalaga na tanong diyan ay nagagastos ba para sa bayan? nakikinabang ba ang mga tao sa pera? Lumalaki ang utang kasi pati yung cct ay galing din sa utang kaya asahan natin na lalaki kaya dapat talagang gastusin ng maayos kasi galing sa tao at tayo din ang magbabayad niyan.”
Noong November 26, 2015, inaprubahan ng Asian Development Bank ang 600-milyong dolyar na loan ng Pilipinas para pondohan ang Private Public Partnerships program ng Administrasyong Aquino.
Nabatid mula sa datus ng Bureau of Treasury,ngayong taong 2016 umaabot na sa 6-trilyong piso o 163,934,972,678-bilyong dolyar ang utang ng bansa kung saan tumaas ito ng 3.8-porsiyento mula taong 2014 o 45.8-percent ng kabuuang GDP o Gross Domestic Product ng bansa.
Sa kasalukuyan, ang bawat 109,805,464 na Filipino ay magpapakakautang ng 1,515-dolyar.