Humingi ng panalangin ang kongregasyon ng mga Madre sa Pilipinas para sa kanilang mga kasamahang naglilingkod sa mga refugee ng digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sa facebook post ni Sr. Mel David FMA., pinasalamatan niya ang Salesian Sisters of Don Bosco at iba pang mga lingkod ng Simbahang katolika na tumutulong ngayon sa mga naapektuhan ng kaguluhan sa Ukraine.
Ayon kay Sr. David, maraming mga madre at kongresyon sa Silangang bangi ng Europa ang tumutulong sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nagsisilikas na mamamayan na nagtutungo sa kalapit na bansa kabilang na sa Poland.
Sa inisyal na datos na nakalap ng madre, may 1,250 refugees ngayon sa Poland ang kinakalinga ng mga FMA Sisters.
Batay naman sa website post ng FMA Sisters na Cgfmanet.org, na sa kabila ng kaguluhan ay masigasig na nakikibahagi ang kanilang kongregasyon sa humanitarian efforts sa Ukraine lalo na sa paglalapat ng paunang lunas sa mga sundalo at paghahanda ng mga pagkain.
Patuloy namang umaapela ng tulong ang Caritas Ukraine para sa mga mamamayan na naiipit sa kaguluhan.
Sa kabila ng panganib patuloy ang mga kinatawan ng Simbahan upang magpamalas ng pagkalinga at pagtulong sa mga nangangailangan.
February 24 ng magsimula ang kaguluhan nang magdeklara ng digmaan ang Russia laban sa Ukraine.






