241 total views
Nakipagtulungan ang San Agustin Church sa Intramuros Manila sa Karcher Cleans the World Team upang linisin at ipreserba ang makasaysayang simbahan.
Ang Karcher ay isang German Company na kilala sa pagtulong sa pagpreserba ng mga makasaysayang monumento at gusali sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Una na nitong nilinis sa Pilipinas ang Rizal Monument noong 2017 at People Power Monument noong 2018.
Ngayong taon ang magiging kauna-unahang cleanup ng Karcher sa isang simbahan sa Pilipinas.
Kinilala ng Karcher ang ambag ng San Agustin Church sa kasaysayan ng bansa bilang pinakamatandang simbahan na sagisag ng katatagan ng mga Pilipino.
Naniniwala naman si Fr. Ricky Villar, OSA – Director ng San Agustin Museum na mahalaga ang paglilinis at pagpreserba ng mga makasaysayang simbahan dahil ang Pilipinas ay kilala sa pagiging isang katolikong bansa.
Aniya, isa itong natatanging tanda ng pananampalataya ng mga Pilipino lalo na ngayong nalalapit ang pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
“Ang pinakamaganda , you know sa ating history of the 500 years of Christianity of the country, napakaimportante at mahirap ihiwalay ang Catholicism sa ating history kasi ang dami daming mga witnesses kung gaano tayo ka-catholic faithful isa na dito ang simbahan, para ma preserve pa po natin ito for the next 500years kailangan natin ang regular maintenance so with this technology nagiging mabilis yun paglilinis ng mga heritage churches in the country.” Pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Ang San Agustin Church ang natatanging gusali na nanatiling buo matapos ang pagkawasak na idinulot ng World War 2 sa Intramuros Maynila.
Ayon naman kay Thorsten Moewes – Cleaning expert ng Karcher Inc., masusing pag-aaral ang kanilang isinagawa bago natukoy ang paraan at teknolohiyang gagamitin sa paglilinis ng simbahan.
Ang harapan ng San Agustin Church ay gawa sa adobe, isang uri ng bato na ayon kay Moewes ay sensitibo at kinakailangang ingatan dahil maaari itong madurog kung mali ang paraang gagamitin sa paglilinis.
Steam pressure ang tinukoy na paraan ni Moewes, kung saan mababa lamang ang pressure ng tubig subalit mainit ang temperatura na aabot sa 60 degrees to 90 degrees Celsius.
Sinabi ni Moewes na pinapatay ng init ng tubig ang kontaminasyon sa mga pader dahilan upang matagalan bago tumubong muli ang mga lumot sa pader ng simbahan.
Posibleng abutin ng isang linggo ang paglilinis ng kabuuan ng harapan ng San Agustin Church.
Tiniyak naman ng pamunuan nito na walang maaapektuhan sa schedule ng mga misa at kasal sa simbahan, at maliit na abala lamang ang idudulot ng paglilinis sa mga turistang bumibisita sa makasaysayang simbahan.
Bukod dito, labis din ang pasasalamat ng simbahan sa libreng serbisyong kaloob ng Karcher.
Sa kasalukuyan mahigit na sa 140 ang bilang ng mga monumento at gusaling natulungang linisin ng Karcher simula nang maitatag ito noong 1980.
Kabilang na dito ang Colonnade ng St. Peter’s Square sa Roma, ang Christ the Redeemer statue sa Rio de Janeiro at ang mahigit 3,300 taong Colossi of Memnon sa Luxor, Upper Egypt, Mt. Rushmore National Memorial, at Aachen Cathedral.