288 total views
Pormal nang itinalaga ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang Santo Niño de Tondo Parish bilang isang Archdiocesan Shrine, noong ika-5 ng Pebrero, 2019.
Sa pagninilay ng Arsobispo, sinabi nitong ang pagiging Arkidiyosesanong dambana ng Santo Niño ay mayroong mga tungkuling kailangang maisakatuparan upang lalo pang mapalalim ang pananampalataya hindi lamang ng mga nasa Archdiocese of Manila kun’di maging ang mga pilgrims na dumadayo.
Ayon kay Kardinal Tagle, kasama dito ang mainit na pagtanggap sa mga dumadayo upang matagpuan nila sa Dambana ng Santo Niño ang tahanan ng pananalangin, mapukaw ang kanilang puso at damdamin at masumpungan ang Diyos na kanilang hinahanap.
“Upang dito makatagpo sila ng tahanan ng pananalangin, pagdarasal, pagmimisa, na nakapupukaw ng puso at damdamin, dito matagpuan nila ang Diyos na hinahanap, dito maghahatak pa sila ng iba pang mga pilgrims dahil napaka sarap namnamin ang presensya ni Kristo.” bahagi ng pagninilay ni Kardinal Tagle.
Bukod dito, nag-iwan din ang Kardinal ng tatlong hamon at misyon upang lalo pang maipamalas ng dambana ang paghahari ng batang si Hesus.
1.SENTRO NG KATWIRAN, KATARUNGAN, TUWA, KAPAYAPAAN
Ipinaliwanag ng Kardinal na sa paghahari ng batang si Hesus ay hindi lamang nito ipinagpatuloy ang pagkahari ni David, dahil pinanatili din ang katwiran, at katarungan.
Ayon kay Cardinal Tagle, sa batang si Hesus ay hindi umiral ang paghahari-hariang nakatatapak ng kapwa at yumuyurak sa dignidag ng tao sapagkat hindi ito ang ninanais ng Diyos Ama.
Dagdag pa dito, hindi digmaan at paninira ang nais mamayani ng Panginoon kaya naman tuwa, at kapayapaan ang ipinakakalat ng sanggol na anak ng Diyos.
Bunsod nito hinamon ni Kardinal Tagle ang Shrine of Santo Niño na magkakaroon ng Evangelization program tungkol sa pamamahala ng batang si Hesus.
“Ito ang gusto ng Ama. Kaya ang anak gagawin ang gusto ng Ama. Tapos na ang digmaaan, tapos na ang siraan, tapos na ang dilim. Simula na, katarungan, katwiran, tuwa, kapayapaan. Iyan po ang una na dulot ng Sto. Niño,” bahagi ng pahayag ni Kardinal Tagle.
II. SENTRO NG PAGBIBIGAYAN
Ikalawang hamon ni Kardinal Tagle sa mga mananampalataya ng Shrine of Santo Niño ay maging sentro ng pagbibigayan.
Sinabi ng Kardinal na dahil sa pagbabahagi ni Hesus ng kan’yang pagiging anak ng Diyos, ay naging ampon na anak ng Diyos ang bawat Kristiyano.
Binigyang diin nito na hindi mapagkamkam ang Santo Niño, kaya umaasa ito na madaragdagan pa ng Shrine ang kanilang mga programang nagbabahagi ng tulong tulad ng feeding program at livelihood program.
“Dapat sa lugar na ito walang maramot. Dapat sa Sto. Niño de Tondo Shrine ang lifestyle ay sharing, magbahagi, kasi iyon ang spiritualidad ng Sto. Niño. Sabagay, marami na po talagang programa ng sharing dito sa ating Shrine – ang Feeding Program, ang mga Livelihood Program – dagdagan pa, Sharing, dahil yan ang pamamahala ng Sto. Niño.” Pahayag ng Kardinal.
III. SENTRO NG PAMILYA
Sa huli, hinimok ni Kardinal Tagle ang mga mananampalataya na gawing sentro ng pamilya ang Archdiocesan Shrine of Santo Niño.
Aniya, nang mawala ang batang si Hesus ay agad itong hinanap nina Maria at Jose, dahil dito, marapat aniyang tularan ng mga magulang ang pag-aarugang ito, sa kanilang mga anak.
Hinikayat nito ang mga magulang na dalhin sa simbahan ang kanilang mga anak upang dito lumago ang kanilang pananampalataya.
Tiniyak ng Kardinal na sa ilalim ng pamamatnubay ng dambana ng Santo Niño ay wala nang batang napababayaan dahil sa pagsusugal o pagkakaroon ng bisyo ng mga magulang.
Dagdag pa niya, sa halip na dalhin sa mga mall, palaruan, at mamahaling restaurant ang mga anak, ay mas nararapat na dalhin at turuan ang mga ito maglingkod sa simbahan.
“Katulad ng Sto. Niño, sa pamilya niya, lumago siya sa karunugan at kinalugdan ng Diyos at kapwa. Iyan ang pamilya ni Hesus, iyan sana ang pamilya dito sa Archdiocesan Shrine… Isang magandang pamilya, kung saan ang bata ay mahalaga, hinahanap, inaaruga, pinalalago sa katarungan, karunungan at maging kalugud-lugod sila sa mata ng Diyos.” Pahayag ng Kardinal sa kanyang pagninilay.
Noong ika-15 ng Enero, pormal na inanunsyo ni Kardinal Tagle ang pagtatalaga sa Santo Niño de Tondo bilang isang Archdiocesan Shrine, matapos nitong aprubahan ang petisyon ng mga mananampalataya at ni Fr. Estelito Villegas ang Parish Priest ng Santo Niño.
Ang Santo Niño de Tondo ay naging Parokya noong ikatlo ng Mayo, 1572 sa ilalim ng pangangalaga ng Augustinian Friars at mula noon ay naging bahagi na ito ng kasaysayan at sentro ng pananampalataya at pamimintuho sa sanggol na Diyos, sa Maynila.
Sa kasalukuyan, mayroon nang limang Archdiocesan Shrines sa ilalim ng Archdiocese of Manila;
Ito ang Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy sa Mandaluyong, Archdiocesan Shrine of The Blessed Sacrament sa Sta. Cruz, Archdiocesan Shrine of Espiritu Santo sa Tayuman, Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto sa Sampaloc, at ang pinaka bagong itinalaga na Archdiocesan Shrine of Santo Niño.