107,902 total views
Mga Kapanalig, nagsusulputang parang kabute, lalo na sa social media, ang iba’t ibang surveys na nagpapakita ng ranking ng mga kandidato sa paparating na eleksyon. Sinu-sino nga ba ang nangunguna? Sinu-sino ang malaki ang tsansang manalo kung gagawin ngayon ang halalan? Sinu-sino ang tila tagilid at kailangan pang magpakilala sa mga botante? Bahagi ng eleksyon sa Pilipinas—o kahit sa ibang bansa—ang mga ganitong surveys kung saan pinupulsuhan ang taumbayan tungkol sa kanilang mga napupusuang iboto.
Sa larangan ng pagsasaliksik o research, ang survey ay siyentipikong pamamaraan ng pag-alam sa saloobin, opinyon, at damdamin ng mga tao. Gamit ang tinatawag na representative sample, tinatanong ang piling grupo ng mga respondents gamit ang ilang batayan o katangian, at ang mahahalaw sa kanilang sagot ang saloobin, opinyon, at damdamin ng mas malaking populasyon. Naririnig ninyo malamang ang paalala ng mga survey firms na nasa mahigit sanlibo lamang ang kanilang tinanong, ngunit ang sagot ng mga respondents na ito ay maituturing na sumasalamin sa sentimiyento ng kabuuang populasyon; may formula na ginagamit ang mga eksperto upang patunayan ito. May mga surveys din na regular na isinasagawa para makita kung may pagbabago sa mga sinusukat na pananaw ng mga tao sa paglipas ng panahon.
Para sa mga hindi nakaiintindi kung paano gumagana ang mga surveys, ang mga surveys na may kinalaman sa eleksyon ay sinasabi nilang nagdudulot ng tinatawag na “mind conditioning”. Naiimpluwensyahan daw ng mga datos ang mga botante—kung sinu-sino daw ang nangunguna sa survey, sila-sila rin daw ang iboboto sa eleksyon. May mga nagsasabi ring biased o may kinikilingan ang mga nagsasagawa ng survey, lalo na’t binabayaran din sila para isagawa ang pangongolekta ng datos at impormasyon. Magastos din kasi ang isang survey, lalo na kung buong bansa ang saklaw nito.
Bilang tugon sa mga obserbasyong ito, naglabas ang COMELEC ng isang resolusyong nire-require ang mga organisasyong nagsasagawa ng election-related surveys na magpa-rehistro sa komisyon. Bagamat bukás naman ang mga survey firms na makipagtulungan sa COMELEC, inalmahan nila ang ilang probisyon ng nasabing resolusyon. Nangangamba sila sa pahiwatig na kailangang isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga respondents nila, bagay na labag sa prinsipyo ng confidentiality na dapat sundin sa survey.
Pinabulaanan din ng ilan sa kanila ang tinatawag na “bandwagon effect”. Ang bandwagon effect ay tumutukoy sa tila pagsang-ayon ng mga tao sa isang opinyon o saloobin dahil ganito rin ang opinyon o saloobin ng mas nakararami. Sa konteksto ng eleksyon, bandwagon effect ang nangyayari kapag iboboto ng mga tao ang lumulutang na pinapaboran ng mas marami, bagay na iniuugnay sa mga resulta ng surveys. Ayon sa kinatawan ng Social Weather Stations (o SWS), isa sa mga kilalang survey firms sa Pilipinas, kakaunti lamang sa atin ang nakaaalam tungkol sa mga surveys. Sa mga rehistradong botante daw, 14% lang ang may alam sa mga ito. Wala rin naman daw masama sa bandwagon effect dahil sa totoong buhay, may iba pang nakaiimpluwensya sa ating pagboto.
Sa huli, nasa ating mga botante ang desisyon kung kanino natin ibibigay ang ating boto. Lagi nating tatandaan ang itinuturo sa atin maging sa katesismo ng ating Simbahan: ang pag-aambag sa kabutihang panlahat o common good ay obligasyon nating mga mamamayan upang magampanan natin ang ating papel sa buhay ng mga lipunan. Kasama sa papel na ito ang pagboto nang tama.
Mga Kapanalig, pipiliin mo ba ang nararapat o sasakay ka lang sa mga resulta ng surveys? Gamitin nating paalala ang mga salita sa Deuteronomio 1:13: “[Piliin natin ang] mga taong matalino, maunawain, at may sapat na karanasan [at sila ang itatalaga ng Diyos na tagapamahala natin].”
Sumainyo ang katotohanan.