72,122 total views
Mga Kapanalig, napapansin ba ninyong dumarami ang kabataang nagve-vape o gumagamit ng e-cigarette?
Silent pandemic na nga raw ito para sa Department of Education (o DepEd). Ayon sa Global Youth Tobacco Survey noong 2019, 14% ng mga Pilipinong edad 13 hanggang 15 ay gumagamit ng e-cigarette. Katumbas ito ng halos isang milyong kabataan. At noong 2023, naitala ang unang kaso ng pagkamatay na iniugnay sa vaping sa Pilipinas. Isa itong kaso ng tinaguriang E-cigarette or Vaping Use-associated Lung Injury o EVALI-related death. Batay ito sa case study na inilabas nitong Abril nina Dr. Margarita Isabel Fernandez at kanyang mga kasamahang doktor sa Philippine General Hospital (o PGH). Isang 22-anyos na lalaki ang namatay dahil sa heart attack kasunod ng severe lung injury. Ayon sa ulat, walang history ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, paggamit ng ilegal na droga, o ibang mga karamdaman ang biktima. Ngunit inamin niyang araw-araw siyang gumamit ng vape sa loob ng dalawang taon.
Nakalulungkot ang balitang ito lalo na’t napakabata ng biktima. Nangyari din ito isang taon matapos ipasa ang RA No. 11900, o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, na sinasabing magkokontrol sa pagbenta ng vape products. Layon daw ng Vape Law na pigilan ang paninigarilyo sa kabataan, ngunit nagresulta naman ito sa tinatawag na “vapedemic”. Ang vapedemic ay ang malawakang pagtangkilik sa sinasabing alternatibo sa sigarilyo o tabako na ayon sa mga eksperto ay kasintindi rin naman ang pinsala sa katawan—kung hindi man mas malala pa.
Bago pa naisabatas ang Vape Law noong 2022, tinutulan na ito ng Department of Health (o DOH) at DepEd, pati ng mga medical at civil society groups. Lahat ng ikinabahala nilang mangyayari noon ay nangyayari na ngayon. Ayon sa mga health advocates, ang batas na ito ang pangunahing dahilan ng paglaganap ng vape use sa bansa, lalo na sa kabataan. Una, ibinaba ng batas ang age of access sa e-cigarette mula 21 taong gulang patungong 18. Ibig sabihin, naging mas accessible na sa kabataan ang vaping. Pangalawa, inilipat ng batas ang regulasyon ng vape products mula sa Food and Drugs Administration—na nasa ilalim ng DOH—sa Department of Trade and Industry (o DTI). Wika pa ni Au Quilala ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development, ginawang “business and profit issue” ang vaping sa halip na isyu ng pampublikong kalusugan.
Para sa mga negosyo, ang bottom line o kikitain ng kumpanya ang pinakamahalaga. Kaya naman, hindi na nakagugulat ang pag-target ng vaping industry sa kabataan bilang mga consumers kahit labag ito sa batas. Mula sa disensyo at packaging, sa pagkakaroon ng iba’t ibang flavors, sa lokasyon ng mga tindahan at advertisements, hanggang sa paggamit ng mga influencers at pagpapakalat ng misleading information—lahat ng ito ay bahagi ng kanilang marketing strategies upang maakit ang kabataan sa nakapipinsalang produkto. Sinasamantala ng vaping industry ang kabataan upang kumita. Hindi dapat ito hinahayaan ng ating mga lingkod-bayan, lalo na ang mga nasa likod ng Vape Law.
Noong 2022 sa World No Tobacco Day, binigyang-diin ni Pope Francis ang kahalagahan ng pangangalaga sa buhay at kalusugang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Huwag sana nating hayaang magpatuloy ang vapedemic na sumisira sa kalusugan at buhay ng ating kabataan. Makiisa tayo sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa e-cigarette. Magbigay tayo ng akmang tulong, suporta, at malasakit sa mga nakararanas ng adiksyon. Ipanawagan din natin sa pamahalaan ang epektibong pagtugon sa lumalalang silent pandemic na ito.
Mga Kapanalig, gaya ng panalangin sa Mga Awit 144:12, “Nawa ang ating mga kabataan [ay] lumaking matatag,” masigla, at malayo sa kapahamakan—katulad ng kapahamakang dala ng makabagong bisyo.
Sumainyo ang katotohanan.