224 total views
Hinikayat ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang mga mananamapalataya na patuloy na manalangin para sa biyaya ng bokasyon at ang pagkakaroon ng mas maraming pang obispo sa bansa.
Ito ay upang mapunan ang siyam pang mga diyosesis na ‘sede vacante’ o walang nakaupong Obispo.
Sa kabuuan ang Pilipinas ay may higit sa 140 mga obispo kabilang na ang mga retirado.
“It is the Rome that will decide. Let us pray and mag-response ang mga pari at mga obispo. That they will do their work immediately,” ayon kay Archbishop Jumoad.
Nagpapasalamat din ang arsobispo sa mga bagong itinalagang Obispo ng Santo Papa Francisco tulad ni Bishop Raul Dael na inordihan at itinalaga ng kaniyang Kabanalan Francisco bilang bagong Obispo ng Diocese ng Tandag.
Nagagalak din ang Arsobispo sa pagbibigay ng tuon ng Santo Papa Francisco sa pagtatalaga ng mga Obispo sa bawat diyosesis para kumalinga sa mga 86 na milyong katoliko sa buong Pilipinas.
Sa taong ito, pitong bagong obispo ang itinalaga ng kaniyang kabanalan Francisco para mapunan ang mga bakanteng posisyon sa mga diyosesis.
Bukod kay Bishop Dael, itinalaga din ni Pope Francis sina bishop-elects Abel Apigo sa Mati; Bartolome Santos sa Iba; Louie Galbines Kabankalan; Medil Aseo sa Tagum; Daniel Presto sa La Union; at Cerilo Casicas sa Marbel.
“Maganda at kailangan ‘yun kasi we are a catholic country so ‘yun talaga bigyang pansin bigyang halaga,” ayon pa kay Bishop Jumoad. Ang mga diyosesis ng Butuan, Daet, Ilagan, Iligan, Isabela, Malolos, Military Ordinariate, San Jose de Antique at San Jose Mindoro ay wala pang mga nakaupong obispo.
Tatlo pang Obispo sa Mindanao ang inaasahang magretiro ngayong taon kabilang na sina ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na 75-taong gulang; Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, 79; Pagadian Bishop Emmanuel Cabajar.
Base sa canon law, pinagsusumite ng liham para sa kanilang pagbibitiw ang mga cardinal, arsobispo at obispo sa oras sa pagtungtong ng ‘retirement age’ na 75.