161,034 total views
Alam mo ba kapanalig, na umaabot sa 15 million ang single parents sa ating bayan? Sa bilang na ito, 95% ay mga babae.
Timely, kapanalig, na mapag-usapan natin ito, lalo na at parating na ang kapistahan ni San Jose ngayong Marso 19. At pag usapin ng pagiging ama, si San Jose ang isa sa pinakamatingkad nating modelo.
Halos lahat ng single parents natin, kapanalig, babae. Isipin na lang natin kung iniwan din ni San Jose si Maria, paano na lamang kaya sila ni Hesus? Kaya’t napaka-tapang, mapagmahal, at masunurin nga ni San Jose, ng ayon nga sa Mateo 1:18 …An angel of the Lord appeared to him in a dream, saying, “Joseph, son of David, do not be afraid to take Mary as your wife, for that which is conceived in her is of the Holy Spirit… Sinunod niya ito at pinalaki si Hesus kasama si Maria. Sana all, hindi ba, gaya ni San Jose.
Sa panahon natin ngayon, ang pagiging single parent ay di na bago. Pero kapanalig, hindi purke’t madalas itong mangyari ay masasabi na natin itong tama o madali. Sino ba namang umibig ang di magnanais na makasama ng habambuhay ang kanyang iniibig, hindi ba? Kaya’t sana, sa panahon natin ngayon, bigyan nating halaga ang salitang commitment, at gawin natin itong pantali o bigkis sa ating mga samahan, lalo na sa mga kinakasal.
Hindi biro ang mag-asawa – gaya ng pagpapari o pagmamadre, isa itong bokasyon, isang calling. Yakapin natin ito at bigyang halaga. Ito ay inyong pangako o vow, hindi lamang sa inyong asawa, kundi sa ating pamayanan at lipunan, at lalo na sa Diyos. Sa inyong pag-aasawa, sabay niyong gagampanan ang inyong bahagi o papel sa pagtataguyod ng pamilya, na siyang batayang yunit ng lipunan. Kung ating isasakatuparan ang commitment na ito, mababawasan ang mga babaeng nagiging single parent sa ating lipunan.
Pero aminin natin na may mga pagkakataon, kapanalig, ayaw man ng indibidwal o gusto, na nagiging single parent ang isang tao. Sa ganitong sitwasyon, tayo bilang simbahan, bilang isang lipunan, ay dapat magbigay hindi lamang simpatya o awa, kundi suporta. Kahit single o hindi, kapanalig, hindi ba’t mahirap na ang maging ama o ina sa ating mundo ngayon? Ang uri ng trabaho ng marami sa atin ay hindi child o family friendly. Maski ang ating lansangan ay hindi family friendly. Hindi mo madadala ang anak mo sa trabaho, at walang reliable at abot kayang child services sa ating bayan kung saan natin maipapag-katiwala ang ating mga anak habang tayo ay tutok sa pagkayod. Kailangan, kapanalig, na mabago natin ang gawi o way of work sa ating lipunan. Kailangan ikonsidera na marami ang may pamilya, at kung nais natin na ma retain ang mga manggagawa, kailangan natin i-integrate ang kanilang family sa kanilang work life. May balanse dapat. Sabi nga sa Pacem in Terris, “Most careful provision must be made for the family both in economic and social matters as well as in those which are of a cultural and moral nature, all of which look to the strengthening of the family and helping it carry out its function.” Para sa mga single parents ngayon na nagtataguyod ng pamilya mag-isa, mas malalim, mas makahulugan, at mas mabilis na probisyon dapat ang ating ilalaan, upang mapalakas pa natin ang kanilang kalooban, mas ma-empower natin sila makita ang kanilang kakayahan, at ng maabot nila hindi lamang ang kanilang potensyal, kundi lahat ng pangarap nila para sa sarili at sa kanilang mga anak.
Sumainyo ang Katotohanan.