36,110 total views
Hindi pabor ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagpapahintulot sa mga sibilyan na bumili at magmay-ari ng semi-automatic rifles o mataas na kalibre ng baril.
Ayon kay Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, maaring magdulot lamang ng mas malaking problema ang pagpapahintulot sa mga sibilyan na magmay-ari ng matataas na kalibre ng baril.
Pagbabahagi ni Bishop Florencio na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, bukod sa kapahamakan na maaring idulot nito para kaligtasan ng mga mamamayan ay hindi din ito naaakma para isang maliit na bansa na dapat ay ipinapaubaya na lamang sa mga alagad ng batas.
“Personally, I would not want to have our civilians na bigyan ng nga semi-automatic rifles or any rifles for that matter. We are a poor country bakit bibili tayo ng nga baril na iyan. Ibigay na iyan sa autoridad. At alam ninyo kong merong baril ang mga civilians, it might cause another big problem.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa Radyo Veritas
Partikular ring tinukoy ng Obispo ang suliranin ng kriminalidad sa Estados Unidos kung saan dahil sa maluwag na polisiya ng bansa sa pagbili at pagmamay-ari ng baril ng mga sibilyan ay tila wala na ding naangkop na kaalaman at pananagutan ang mga nagmamay-ari ng baril sa paggamit nito na kadalasang nauuwi sa karahasan.
Bukod dito, iginiit din ni Bishop Florencio na walang nagaganap na digmaan o gyera sa Pilipinas upang pahintulutan ang mga sibilyan na magmay-ari ng matataas na kalibre ng baril at armas.
“In America bakit problema ang mga tao meron baril simply because they have a loose na batas na lahat ay puede humawak ng baril without responsibility doon sa nakakamatay na baril. Hindi man tayo nasa Guerra.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Una ng kinundina ng Gunless Society Philippines ang implimentasyon sa inamyendahang implementing rules and regulations (IRR) ng Philippine National Police (PNP) sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition kung saan pinapayagan na bigyan ng lisensiya ang mga sibilyan para bumili at magmay-ari ng M-14 rifles at iba pang semi-automatic na mga baril.