410 total views
Ibinahagi ng Cooperative Development Authority ang malaking papel na ginampanan ng mga kooperatiba sa bansa sa pagtugon sa epekto ng coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Radio Veritas kay C-D-A Chairman Undersecretary Orlando Ravanera, sinabi nitong nagtulong-tulong ang mga kooperatiba upang kalingain ang mahihirap na sektor na labis na naapektuhan ng pandemya.
“The spirit of cooperativism, of compassion and service during the time of pandemic ipinakita talaga, sa kadiliman ng gabi ng pandemic ang ilaw na nagbibigay liwanag sa mga komunidad ay ang kooperatiba,” pahayag ni Ravanera sa Radio Veritas.
Ito ang mensahe ng opisyal sa pagdiriwang ng ika – 31 taon ng C-D-A nitong ika-10 Marso 2021.
Tiniyak ni Ravanera na higit pang palalakasin ng pamahalaan ang mga kooperatiba sa bansa upang matulungan ang mamamayan.
Binigyang diin ni Ravanera na ang pagtulong sa nangangailangan ay pagbibigay ng atensyon sa suliranin ng lipunan na dapat ay sama-samang lutasin ng bawat mamamayan.
Iniulat ng opisyal na mahigit 5.4-bilyong piso ang naipamahagi ng mga kooperatiba sa mahihirap na komunidad sa bansa o katumbas sa humigit kumulang 10 milyong indibidwal ang natulungan.
Ipinagmalaki din ni Ravanera ang isang pag-aaral na nangunguna ang Pilipinas sa larangan ng kooperatiba na maituturing na sagisag ng pagiging matatag at buhay ang ekonomiya.
“Sa isang study, Philippines is the cooperative leader in Asia and the Pacific. Where there are cooperatives, the economic life of the communities are better,” ayon sa opisyal.
Kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ay pinasinayaan din ng C-D-A ang pagtatayo ng 15-storey CDA Tower sa Quezon City bilang bahagi ng pagpapalakas sa serbisyo sa mga kooperatiba sa bansa.
Pinangunahan ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque at Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez ang groundbreaking ceremony kasama ang ilang opisyal ng C-D-A at kawani ng iba’t-ibang kagawaran.
Binigyang diin ni Ravanera na mahalagang magkaisa ang bawat Pilipino sa pagtugon sa kahirapan lalo na sa kanayunan sa pamamagitan ng mga kooperatiba upang mapaunlad ang kanilang hanay.
Nagpaabot din ng pagbati sina Pangulong Rodrigo Duterte, Senator Bong Go, Senator Koko Pimentel, Senator Miguel Zubiri at iba pang opisyal mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa C-D-A.