398 total views
Umaapela ang Archdiocese of Manila na ipanalangin ang paggaling mula sa COVID-19 ng dating Arsobispo ng Maynila na si Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, bagamat asymptomatic ay mahalagang ipanalangin ng bawat isa ang mabilis at ganap na paggaling ni Cardinal Tagle mula sa sakit.
Pagbabahagi ng Obispo, wala pa ring sapat na impormasyon ang arkidiyosesis sa kasalukuyang kinaroroonan at dahilan ng pag-uwi ng Cardinal sa Pilipinas na nagpositibo sa COVID-19 pagdating ng bansa.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalaga ang pananalangin upang maipadama sa Cardinal ang pagmamahal at pakikibahagi sa gitna ng kanyang pagsailalim sa quarantine dahil sa COVID-19.
“Nananawagan po tayo sa lahat na ipagdasal natin ang ating mahal na Cardinal Chito Tagle na dumating dito sa bansa. Samahan natin siya sa ating panalangin. Hindi po natin alam kung saan siya naka-quarantine pero alam naman natin na siya ay nasa mabubuting kamay. Mabuti naman po at siya ay asymptomatic ibig sabihin sana po ay mild lang ang kanyang pagkaka-COVID…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Bilang isa ring COVID-19 survivor, hinikayat ni Bishop Pabillo si Cardinal Tagle na gamitin ang panahon ng kanyang pagsailalim sa mandatory quarantine upang makapagpahinga mula sa mga kanyang mga tungkulin at gawain.
Paliwanag ng Obispo, maituturing din itong isang pagkakataon upang ganap na makapagnilay sa mga nagaganap sa daigdig ngayong panahon ng pandemya.
“Maipapayo natin na to take it easy hindi naman siguro malala kasi asymptomatic naman siya ibig sabihin malakas naman ang kanyang immune system, kaya he can take it and take this time as panahon ng pagpapahinga baka marami siyang trabaho ngayong quarantine mapipilitan siyang magpahinga kaya it also an opportunity to rest and to pray…” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Naunang nanawagan ang mga opisyal ng Simbahang Katolika sa mga mananampalataya na ipagdasal ang mabilis na paggaling ni Cardinal Tagle sa sakit.
read: https://www.veritas846.ph/cardinal-tagle-positibo-sa-covid-19/
https://www.veritas846.ph/isama-sa-panalangin-at-mass-intentions-ang-paggaling-ni-cardinal-tagle-sa-covid-19/
Matatandaang Pebrero ng kasalukuyang taong 2020 ng umalis patungong Roma si Cardinal Tagle upang gampanan ang kanyang bagong tungkulin bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.
Itinalaga naman ni Pope Francis si Bishop Pabillo na siya ring Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity bilang taga-pangasiwa ng Arkideyosesis ng Maynila.
Sa kasalukuyan si Cardinal Tagle na ang ika-apat na Obispo ng Simbahang Katolika na nagpositibo sa COVID-19 kasunod ni Bishop Pabillo, Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez at Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na yumao dahil sa kumpikasyon mula sa sakit noong ika-26 ng Agosto.