169 total views
Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalatayang Katoliko na suportahan ang Radio Veritas sa pakikiisa nito sa paghahanda ng Simbahang Katolika sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Ayon sa Kardinal, ginagawa ng himpilan ang lahat upang maging karapat-dapat tayo sa pagpapahayag ng katotohanan ng turo ng Simbahan, ng Salita ng Diyos, at isang sambayanan na tinig ng mga mahihirap at iba pang nangangailangan.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na ang pagsuporta sa ginagawang “Veritas 500 Telethon 2016” ay suporta na rin sa paghahanda ng Simbahan sa pinaka-malaki at makasaysayang okasyon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
“Mga kapanalig na nakikinig sa Radio Veritas ang atin pong Radio Veritas community ay nakikiisa sa buong Simbahan sa Pilipinas na ngayon ay naghahanda sa 2021, ang ika-500 anniversary ng pagdating ng Kristiyanismo sa bansa, pero yung mahahalagang event kailangan pinaghahandaan at 9 na taon na taon-taon, may tema, temang pastoral, pagpapalalim ng pananampalataya na tinututukan natin. At para maging karapat dapat tayo sa pagdating ng pananampalataya sa atin, ang Radio Veritas bilang isang tagapagpahayag ng katotohanan ng turo ng Simbahan ng Salita ng Diyos at isang sambayanan din na tinig ng mga dukha, ng mga taong nangangailangan,” pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag ng Kardinal, magbigay ng naaayon sa inyong kakayanan para maipagpatuloy ng himpilan ang pagpapakalat ng Mabuting Balita para mapaigting ang pananampalatayang Katoliko.
“Inaanyayahan po namin kayo na makilahok na maging generous nang naaayon sa inyong kakayanan para maipagpatuloy ng Radio Veritas ang kanyang programa lalo na itong darating na celebration ng ating 500 anniversary,” ayon pa sa Kardinal.
Ginaganap ngayon ang soft launching ng Veritas 500 na may temang “Bringing Jesus to every home” kasabay ng Solemnity of the Immaculate Conception.
Sa “Give me 5 for the next 5” campaign inaanyayahan ang bawat Kapanalig na mag pledge ng P500 bawat taon para sa susunod na limang taon at mag-anyaya rin ng lima pa nilang kaibigan na makiisa sa programa.
Layunin nitong maipalaganap ang mga katuruan, kasaysayan at impormasyon hinggil sa totoong pananampalataya sa pamamagitan ng media bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa taong 2021.