3,696 total views
Suriin ang ugnayan sa panginoon, paanyaya ng Papal Nuncio to the Philippines
Hinimok ng kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas ang mananampalataya na makilahok sa mga gawain ngayong mga Mahal na Araw.
Ayon kay Archbishop Charles Brown mahalaga ang pakikiisa sa mga gawaing espirituwal lalo na sa pinakatampok ng pananampalatayang kristiyano na Pasko ng Muling Pagkabuhay.
“I encourage all listeners, the people of God to really participate in Holy Week in a very sincere way; I know God has graces to give you; if you participate in a sincere and enthusiastic way on the liturgies you will emerged changed,” pahayag ni Archbishop Brown sa Radio Veritas.
Sinabi ng arsobispo na gamiting pagkakataon ang mga Mahal na Araw sa pagninilay at suriin ang ugnayan sa Panginoon.
Tinuran ni Archbishop Brown ang pakikilahok sa mga gawain ngayong Huwebes Santo, tulad ng Chrism Mass kung saan babasbasan ang mga langis na ginagamit sa mga sakramento ng simbahan.
Gayundin ang Misa sa Huling Hapunan kung saan isasagawa ang rito ng paghuhugas ng paa ng 12 indibidwal na kinatawan ng iba’t ibang sektor na susundan ng pagtatanghal ng Santisimo Sakramento sa altar of repose ng mga simbahan habang nagsasagawa ng Bisita Iglesya ang mamamayan.
Sa Biyernes Santo naman ang pitong huling wika at ang Pagdiriwang ng Pagpapakasakit ng Panginoon sa alas tres ng hapon.
Sa Sabado Santo ng gabi naman tampok sa mga simbahan ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon kung saan isasagawa ang rito ng pagbabasbas ng apoy, banal na tubig at pagsasariwa sa pangako ng binyag.
“It’s really important to participate and to understand what we are doing because this is the moment in which we celebrate the passion, death and resurrection of the Lord,” dagdag ni Archbishop Brown.
Kaugnay nito inihahandog ng Radio Veritas ang special programming ngayong Holy Week tampok ang iba’t ibang panayam ng mga pari at obispo na makatutulong sa pagninilay ng mamamayan at higit na maunawaan ang mga turo ng simbahan hinggil sa mga tampok na araw ng mga kristiyano.
Kabilang sa mga magbibigay ng panayam sina Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David, Cardinal Luis Antonio Tagle, Cardinal Gaudencio Rosales, Bishop Mylo Hubert Vergara, Bishop Broderick Pabillo at iba pa.
Bukod sa radyo matutunghayan din ang mga Holy Week Specials ng himpilan sa Youtube channel sa Veritas PH, DZRV 846 Facebook page at Veritas TV as Sky Cable 211.