3,131 total views
Inaanyayahan ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mananampalataya na pagnilayan ngayong Mahal na Araw ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan na inihahayag sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
Sinabi ng obispo na ang krus na pasan ni Hesus patungong kalbaryo kung saan ito ipinako at nalagutan ng hininga ay tanda ng pag-ibig sa sanlibutan.
“The cross is not just an event; it is God’s proclamation that His love reaches into our brokenness, pulling us toward redemption. These are not mere stories or distant memories—they are the living proclamation of God’s eternal love” pahayag ni Bishop Santos.
Binigyang diin ni Bishop Santos na walang hangganan ang pag-ibig ng Diyos sa kabila ng mga pagkakasalang nagawa dahil sa likas na kahinaang tinataglay ng tao.
Iginiit ng obispo na ang pag-ibig ng Diyos ay nagpapanibago sa puso ng bawat isa at paanyaya ng Panginoon ang patuloy na paglago ng mananampalataya sa diwa ng kabanalan sa pamamagitan ng pagtingin sa krus bilang pinamumulan ng kalakasan at pagbabago.
“The Cross, for example, is not simply a symbol of suffering—it is a source of transformation. When we unite our own struggles and crosses with Christ, they become pathways to grace and renewal,” ani ng obispo.
Ibinahagi pa ng opisyal na ang muling pagkabuhay ni Hesus ay tanda ng pagtatagumpay sa krus kung saan inialay ni Hesus ang kanyang buhay upang tubusin ang sangkatauhan sa kasalanan.
Dalangin ni Bishop Santos ang makainang paggabay ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng mga Nagdadalamhati upang tulungan ang bawat isa sa paglalakbay sa buhay na bagamat puno ng mga hamon ay matuklasan ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos.
“Through prayer, through acts of charity, through walking humbly with Christ, let us allow God’s love to fill our hearts and inspire our lives. Let us remember that the Cross is not the end of the story—it is the beginning of redemption, the pathway to resurrection, and the ultimate triumph of love,” giit ni Bishop Santos.
Umaasa ang obispo na gawing makabuluhan ng mananampalataya ang mga mahalagang araw ng Holy Week upang mapalago ang buhay pananampalatayang nakaugat sa pag-ibig ng Diyos.