130,479 total views
Mga Kapanalig, nag-adjourn o nagsarado na ang 19th Congress nang hindi niraratipikahan ang isang panukalang batas na layong itaas ang suweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sa House of Representatives, ang panukala ay dagdagan ng ₱200 ang suweldo ng lahat sa pribadong sektor. Sa Senado naman, ₱100 ang inihahaing wage hike. Sa huling araw ng sesyon ng dalawang kapulungan, wala sa dalawang panukalang batas ang nakalusot at nakarating sa Malacañang para pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos. Ngayon, gaya sa impeachment, nagtuturuan at nagsisisihan ang ating mga mambabatas. Ibang isyu pa kung pipirmahan ni PBBM ang isang across-the-board wage hike bill.
Gaya ng inaasahan, hindi pabor ang mga grupo ng employers sa umento sa sahod. Pabigat daw ito sa business sector dahil dagdag gastusin ito sa kanilang operasyon. “Unfair” daw ito. Binanggit pa nila ang mga nasa informal workers na hindi naman daw pakikinabangan ang anumang umento sa sahod. Mas marami raw sila kaysa sa formal sector workers na 16% lamang ng tinatayang 50 milyong manggagawa. Hindi makikinabang sa batas na ito ang mga mangingisda, mga nagmamaneho ng tricycle at jeep, at mga nagtitinda sa bangketa. Ang kailangan daw tutukan ng gobyerno ay ang paghikayat sa mga mamumuhunang makalilikha ng mga trabaho.
Nakakuha naman ng kakampi ang mga employers sa mga economic managers ng ating gobyerno. Anila, ang anumang pagtaas sa suweldo ng mga manggagawa ay may epekto sa inflation. Mas bibilis daw ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil ipapasa sa mga consumers ang dagdag na production cost. Kapag mangyari ito, malulugi rin daw ang mga tinatawag na MSMEs o micro, small, and medium enterprises. Babaligtarin daw ng umento sa sahod ang bumabagal nang inflation rate ngayon.
May pinag-aralan ang mga economic managers gayundin ang mga nagpapatakbo ng mga negosyong nagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan. Pero hindi kaya kailangan din nilang maranasan ang hirap at kakapusang dinaranas ng mga ordinaryong manggagawa? Ibang tulong ang kailangan ng mga nasa impormal na sektor, kaya hindi ito dapat gamiting dahilan para isantabi ang anumang umento sa sahod. Ang dinaranas ng mga suwelduhang manggagawa ay nakaugat sa pagkakapako ng kanilang suweldo sa halagang hindi nakasasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ng iba pang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
Barya kung tutuusin ang hinihingi ng mga karaniwang trabahador kumpara sa kita ng mga pribadong kompanya at suweldo ng mga negosyante at kapitalista. Pareho rin namang nagsusumikap ang mga manggagawa at ang mga nagpapatakbo ng mga negosyo. Magkaiba man ang kanilang trabaho, kapwa silang may dignidad. Pero sa kasalukuyan nating sitwasyon, mas dehado ang ating mga manggagawa. Hindi pa natin pinag-uusapan ang kalbaryo nila sa pagbiyahe, ang kalusugan nilang hindi nababantayan, at ang mga pangangailangan nilang halos lahat ay may presyo.
Pinahahalagahan ng Simbahan ang dignidad ng pagtatrabaho. Tao ang mga nagbabanat ng buto, kaya dapat lamang na palitan ang kanilang oras, lakas, kakayahan, at maging katapatan ng sahod na nakabubuhay. Idiin iyan sa Catholic social teaching na Rerum Novarum. Ang pagbibigay sa mga trabahador ng disenteng sahod ay isang gawain ng katarungan. Dapat isaalang-alang ng pribadong sektor ang interes ng mga manggagawa. Dapat tiyakin ng gobyernong nakikinabang sila sa bunga ng kanilang pagtatrabaho—may tirahang masisilungan, may pangangatawang malusog, at may buhay na maginhawa.
Mga Kapanalig, matutunghayan natin sa Mateo 20:1-16 ang talinghaga tungkol sa mga manggagawa sa ubasan. Itinuturo dito sa atin ni Hesus na ang lahat ng trabahador ay dapat binabayaran ng makatarungan at nakabubuhay na sahod. Masasabi ba ng mga negosyante at ng ating gobyerno na makatarungan at nakabubuhay ang suweldo ng ating mga manggagawa ngayon?
Sumainyo ang katotohanan.