10,619 total views
Inanunsyo ng Diocese of Kalibo na tinanggap ni Kanyang Kabanalan Pope Leo XIV ang pagretiro ni Bishop Jose Corazon Tala-oc bilang punong pastol ng diyosesis noong Hunyo 16, kasabay ng kanyang ika-75 kaarawan—ang itinakdang mandatory retirement age para sa mga obispo.
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang diyosesis kay Bishop Tala-oc sa kanyang 14 na taong paglilingkod, kung saan buong katapatan at pagmamahal siyang nakilakbay kasama ang mahigit kalahating milyong Katoliko sa lalawigan ng Aklan.
“Your years of service in the Diocese of Kalibo have been a true gift to us all. Through your steady leadership, deep compassion, and unwavering faith, you have guided the faithful with humility and grace. You did not just shepherd the diocese, but you walked with us, listened to us, and reminded us of the hope that comes with living the Gospel,” ayon sa pahayag ng diyosesis.
Inalala rin ng Diocese of Kalibo ang pamumuno ng obispo na, sa kabila ng mga hamong kinaharap, ay nanatiling matatag at nakikibahagi sa paglalakbay ng sambayanan—isang inspirasyon sa buong nasasakupan.
Si Bishop-Emeritus Tala-oc ay naordinahan bilang pari noong Abril 9, 1979. Noong Hunyo 2003, hinirang siya ni St. John Paul II bilang obispo ng Diocese of Romblon. Pagkatapos ng walong taon, itinalaga naman siya ni Pope Benedict XIV bilang obispo ng Kalibo noong Mayo 2011.
Kasabay ng kanyang pagretiro, itinalaga naman ni Pope Leo XIV si Capiz Archbishop Victor Bendico bilang apostolic administrator ng Diocese of Kalibo, na manunungkulan pansamantala hanggang sa maitalaga ang bagong obispo.
Sa ngayon, apat na diyosesis sa Pilipinas ang walang nakaupong obispo: Boac, Kalibo, San Jose, at Tabuk.




