17,655 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mahalaga ang pag-asang hatid ng iba’t ibang mga inisyatibo upang matulungan ang mga mahihirap na kabataan na patuloy na makapag-aral.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth kaugnay sa isinasagawang Caritas Manila YSLEP Telethon 2025 ng social arm ng Archdiocese of Manila.
Ayon sa Arsobispo ang pagtulong lalo na sa mga kabataan na makapag-aral ay nakapagbibigay pag-asa para sa pagkakaroon ng mas magandang kinabukasan para sa kanilang sarili at pamilya.
Pinasalamatan naman ni Archbishop Alarcon ang mga aktibong nakikibahagi at sumusuporta sa layunin ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila na hindi lamang nakapagbibigay ng pag-asa para sa kinabukasan ng mga kabataan kundi maging sa kinabukasan ng bayan at ng Simbahan.
“Nakakapagbigay pag-asa ang mga pagkilos upang matulungan ang mga kabataan sa kanilang pag-aaral, tulad ng YSLEP ng Caritas Manila. Maraming salamat sa mga mabubuting loob na nagbabahagi para sa kinabukasan ng mga kabataan at ng bayan at Simbahan. Pagpalain nawa ng Panginoon ang ating mga kabataan at lahat ng nagtataguyod sa kanila,” ang bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon sa Radyo Veritas.
Tema ng Caritas Manila YSLEP Telethon 2025 ang ‘Hope In Action: Journeying Together for the Youth’ na alinsunod na rin sa patuloy na paggunita ng Simbahan sa Jubilee Year of Hope.
Una nang inihayag ni Fr. Anton CT Pascual – executive director ng Caritas Manila na ang malilikom sa YSLEP Telethon 2025 ay ilalaan ng Caritas Manila sa pagpapaaral sa mga YSLEP Scholars na aabot sa limang libong mag-aaral sa loob ng isang taon.
Bukod sa scholarship ay hinahasa din ng Caritas Manila Youth Servant Leadership and Education Program ang leadership skills at pinapalalim ang pananampalataya ng mga kabataan sa pamamagitan ng mga pagsasanay at paglilingkod ng mga kabataan sa Simbahan.
Nakaantabay naman ang Caritas Manila Scholars Alumni Association upang tulungan ang mga nakapagtapos ng pag-aaral na kagyat na makahanap ng trabaho bilang bahagi ng ‘enrollment to employment’ na paraan ng pagtulong ng Caritas Manila.