19,785 total views
Inilunsad ng Archdiocese of Lipa ang synodal book na ‘Enlarging the Space of Our Tent’ upang higit na palawakin ang pagmimisyon ng simbahan sa pamayanan.
Pinangunahan ni Lipa Archbishop Gilebrt Garcera ang paglunsad sa Parish and National Shrine of Saint Padre Pio nitong January 13, 2024.
Ayon sa arsobispo, hango ang pamagat ng aklat sa Synod on Synodality ni Pope Francis na naglalayong abutin ang bawat nasasakupang kawan lalo na ang mga naisasantabing sektor ng lipunan.
“Enlargement is the encouragement to think big, hindi makitid, to dream big and to get a bigger perspective kung kaya’t ang book pong ito na ‘Enlarging the Space of Our Tent,’ I call this a synodal book,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Garcera.
Binigyang diin ni Archbishop Garcera na bawat detalye ng aklat ay pinagnilayan ng mga pari at layko gayundin ang nilalamang kuwento ng 48 contributors na mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na magiging gabay ng arkidiyosesis sa pagpapalawak ng misyon.
Nakabatay din aklat sa mahalagang pundasyon ng simbahang sinodal ang ‘communion, participation and mission’.
Tinukoy ng arsobispo ang pahayag ni noo’y Santo Papa St. John Paul II na mahalagang magbalik tanaw sa nakaraan na puno ng pasasalamat, mamuhay sa kasalukuyan na puno ng sigasig, at; tingnan ang kinabukasang puno ng pagtitiwala sa tulong at gabay ng Panginoon.
Ilan sa mga sumulat sa aklat sina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, mga pari, layko mula sa iba’t ibang sektor at kilalang personalidad ng lipunan na nagbahagi ng kanilang karanasan.
Kasabay ng paglunsad sa aklat ang paglunsad din ng Pastoral Visitation ni Archbishop Garcera sa 66 mga parokya at nasasakupang institusyon na gaganapin sa Abril hanggang Agosto bago ang retreat ng mga pari sa Roma at nakatakdang pakikipagpulong kay Pope Francis mula Setyembre.
Pinasalamatan ni Archbishop Garcera ang mga tumulong upang mailimbag ang synodal book gayundin ang bawat isang sumuporta para sa ikatatagumpay ng simbahang lingapin ang nasasakupang kawan.
Bago ang Book Launching pinangunahan ni Bishop Vergara ang Banal na Eukaristiya bilang isa ang obispo sa apat na kinatawan ng Pilipinas sa ginanap na Synod of Bishops sa Vatican noong Oktubre kasama sina Bishop David, Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula at Filipino Lay Theologian Dr. Estela Padilla.