224 total views
Pinalalahanan ni Diocese of Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso ang mga mananampalataya na maging matalino sa ihahalal na kandidato ngayong May 9 national elections.
Ayon kay Bishop Medroso, laging tatandaan ng mga botante ang katangian ng ihahalal nilang kandidato na tunay na lingkod bayan na may takot sa Diyos, sumusunod sa alituntunin ng bansa, tapat at may kakayahang mamuno sa bansa.
Hiniling din nito sa mga mananampalataya na maging maingat sa pagpili ng kandidato at suriing mabuti ang mga tunay na nagmamalasakit sa kabutihang pangkalahatan ng mamamayan.
“Paalala sa kanila sa ating constituents, na in their process of electing and choosing their candidate they have to consider first of all God fearing candidate, person who follow the law, who have characters but most of all they are honest people and they are skilled in their leadership. So we are asking our people to be more discreet, to more considering, selective in choosing their leader. Ito lamang ang paalala ko sa kanila,” bahagi ng pahayag ni Bishop Medroso sa panayam ng Veritas Patrol.
Kaugnay nito, ipinaalala ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (C-B-C-P) president at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa mga botante na maging alerto sa bilangan ng boto.
Nangangamba si Archbishop Cruz na batay sa impormasyon na kanyang nakalap mula sa mga computer experts na maaring magkaroon ng dayaan sa pagmamanipula ng resulta ng bilangan.
Hiniling nito sa taumbayan lalo sa mga poll watchers na mas lalong maging mapagmatyag sa tamang resulta ng bilang ng boto na inilalabas ng COMELEC o Commission on Elections.
Dahil kung nagkamali ang bilang tiyak aniyang malaking gulo ang maidudulot nito.
“Ang nakakatakot talaga ay yung mga makina ay yung transmission ng ballots from precincts to national level. Marami nakong nakausap na IT expert ang sinasabi nila na talagang pwedeng dayain. Ito ang delikado ngayon hindi delikado ngayon kung boboto o hindi boto, etc. ang dapat talagang matiyagan ngayon kung ang COMELEC at wasto ang bilang mula lokal hanggang national. Maraming nag – aabang diyan at maraming nagmamatiyag kapag yan ay mali ngayon palang sasabihin ko, malaking gulo yan,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Samantala, batay naman sa inilabas na mandato ng Automated Election System (A-E-S) law na kinakailangan na magkaroon ng 99.995 percent na accuracy rate.
Ngunit noong 2010 national elections nakapagtala lamang ng 99.6 percent na accuracy rate ang Smartmatic’s PCOS o Precint Count Optical Scanner habang 99.98 percent noong 2013 local election.
Patuloy naman ang pagsusulong ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ng “One Good Vote” sa nasa 54 na milyong botante sa bansa.