734 total views
Kapanalig, maraming eksperto ang nagugulat sa pagtaas ng bilang ng mga nabubuntis na menor de edad na babae sa ating bayan, habang sa buong mundo, ang trend ay pagbaba ng bilang nito.
Ayon sa National Health and Demographics Survey noong 2013, isa sa sampung babae may edad 15-19 sa ating bayan ay ina o buntis na. Noong 2014, ang mga datos mula sa Philippine Statistical Authority (PSA) ay nagsabi na kada oras, 24 na sanggol ang sinisilang ng mga menor de edad. Ayon naman sa pinakahuling Young Adult Fertility and Sexuality (YAFS) study, mga 14 percent ng mga Filipinang babae may edad 15 hanggang 19 ay buntis o di kaya mga ina na rin.
Ang isyu na ito ay mahalaga dahil napipigil ng maagang pagbubuntis ang normal na growth ng isang batang babae. Malaki rin ang dinadalang panganib nito sa kalusugan ng batang ina at ng kanyang dinadalang anak. Dahil hindi pa kumpleto ang pisikal na paglago ng mga babaeng teenagers, ang maagang pagbubuntis ay may dalang nakakamatay na komplikasyon.
Mas mataas ang risk ng buntis na teenager na makaranas ng eclampsia, na isa sa mga pangunahing dahilan ng maternal deaths. Ayon nga sa datos ng National Statistics Office, habang bumababa ang maternal deaths, tumaas naman ang teenage maternal deaths. Noong 2010, 10% ng mga buntis na teenagers ay namatay dahil sa kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak. 5% lamang ito noong 2005.
Kapanalig, ang breakdown o pagkasira ng pamilya kasabay ng pagtaas ng pag-gamit ng teknolohiya gaya ng cellphones at social media, ay isa sa mga pangunahing dahilan ng maagang pagbubuntis ng maraming teenagers sa atin. Dahil sa kawalan ng koneksyon sa loob ng tahanan, naghahanap ng mas malalim na koneksyon ang maraming bata sa ibang mga lugar at tao. Ang teknolohiya ay nagpabilis ng mga artipisyal na koneksyon na ito, na naging band-aid lamang sa tunay na sugat ng mga kabataan. Nagdala pa ito sa kanila sa mas matinding problema, na hindi sapat na natututugunan ng kanilang murang isip at katawan.
Kapanalig, panahon na upang patatagin natin ang ating mga pamilya. Panahon na upang ito naman ang ating bigyan ng positibong aksyon. Ang ating mga kabataan ay mas bulnerable sa ngayon. Ang panganib sa kanilang buhay ay karaniwang nasa kanilang kamay na: ang mga cellphones at iba pang gadgets na siya ng pumalit sa presensya ng kanilang mga magulang sa kanilang buhay.
Ang pamilya ay batayang yunit ng ating lipunan. Nakikita natin ngayon, sa pagtaas ng bilang ng teenage pregnancies, ang epekto ng panghihina ng pamilya sa gitna ng mabilis na inog na modernisasyon. Ang Gaudium et Spes, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ay nagsabi na ang kristyanong pamilya ay bunga ng pagmamahal, at imahe ng bahaginan at pag-ibig sa pagitan ng Simbahan at ni Kristo.
Ang pamilya ay repleksyon ng presensya at pag-ibig ni Kristo sa ating mundo. Ang mga kabataang nagiging mapusok ay naghahanap ng pagmamahal dahil maraming pamilya na ang nagkukulang na nito. Kapanalig, buhayin muli natin si Kristo sa ating mga tahanan, para sa kapakanan ng ating mga kabataan.