408 total reads
Bagama’t ikinatuwa ng transport group na MANIBELA ang sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo, subalit iginiit na hindi pa rin ito sapat upang maibsan ang gastusin ng mga tsuper dahil hindi umano lubos na naipatutupad ng ilang gasolinahan ang ipinahahayag na rollback.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas, sinabi ni MANIBELA Chairperson Mar Valbuena na malaki ang pagkakaiba ng inanunsiyong bawas-presyo sa langis at aktuwal na ibinabawas ng ilang gasolinahan.
Ayon kay Valbuena, umaabot lamang sa anim hanggang walong piso ang ibinabawas ng ilang gasolinahan kahit umaabot sa 16 na piso ang inanunsiyong rollback.
“Ang reklamo po namin, nagbababa nga po, sinasabi na magbababa ng ganitong kalaking halaga, aabot ng labing-anim na piso, pero ‘pag pumunta ka po sa gasolinahan, anim na piso hanggang walong piso lang po ‘yung ibinababa po nila. Kaya hindi po natin ito ramdam,” pahayag ni Valbuena.
Dagdag pa niya, mas malaking bahagi ng sektor ng pampublikong transportasyon ang gumagamit ng diesel kaya hindi gaanong napakikinabangan ng mga tsuper ang pagbaba ng presyo ng gasolina.
Giit ni Valbuena, mabilis na ipinapatupad ng mga kumpanya ng langis ang pagtaas ng presyo, ngunit hindi naman lubos na naipapasa sa mga motorista ang pagbaba nito tuwing may rollback.
Paliwanag niya, may ilang gasolinahang sumusunod lamang sa itinakdang bawas-presyo matapos mabantayan o mapuntahan ng Department of Energy (DOE), habang may iba umanong hindi nagbibigay ng tamang diskuwento.
Dahil dito, nanawagan ang transport leader sa DOE at Kongreso na repasuhin at tuluyang ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law, na aniya’y nagpapahirap sa mga tsuper habang nagpapalaki ng kita ng mga kumpanya ng langis.
“Sobra-sobrang pahirap na po ‘yung ginagawa po nitong mga oil companies, hindi makatao, hindi makatwiran. Ang gusto lamang po ay malaking tubo,” dagdag ni Valbuena.
Ibinahagi rin niya na ilang araw nang hindi nakabiyahe ang ilang miyembro nilang jeepney driver dahil sa kakulangan ng pasahero kasabay ng mga aktibidad at paghihigpit sa seguridad kaugnay ng ASEAN Summit.
Ayon kay Valbuena, hindi rin kabilang ang kanilang grupo sa mga nabigyan ng tulong ng pamahalaan sa kabila ng epekto sa kanilang kabuhayan.
“Kaya nga tayo nananawagan, kaya nga tayo nagpupunta sa mga rally para tayo ay mapakinggan,” ani Valbuena.
Umaasa naman ang transport leader na magkakaroon ng tuluy-tuloy at konkretong pagtugon ang mga ahensya ng pamahalaan sa mga suliranin ng sektor ng transportasyon.
Samantala, binigyang-diin na dapat isaalang-alang sa mga patakaran sa enerhiya at transportasyon ang kabuhayan ng mga manggagawa at maliliit na operator, gayundin ang pangangailangang matiyak ang makatarungang presyo ng langis at proteksiyon sa mga sektor na higit na apektado ng pagtaas ng gastusin.




