Mga Kapanalig, patuloy na lumalalâ ang sitwasyon sa Gaza. Araw-araw, may mga Palestino na namamatay—o sadyang pinapatay. Kahit ang mga sibilyang pumupunta sa mga food distribution centers ay hindi nakaliligtas.
Simula noong Mayo, halos araw-araw may casualties sa loob o paligid ng mga food distribution sites na pinangangasiwaan ng Gaza Humanitarian Foundation (o GHF). Ang GHF ay isang NGO na itinatag ng Israel. Sa halip na dalhin ang pagkain at iba pang tulong sa mga sibilyan mismo, pinalalakbay nila ang mga Palestino ng ilang kilometro papunta sa mga aid centers.
Hindi pa rin nagtatapos ang pahihirap ng mga inosenteng sibilyan kahit nakarating na sila sa mga aid centers. Punô rin ng panganib kahit sa loob ng mga lugar na ito. “Free for all” kasi ang mga distribution sites ng GHF kaya hindi maiiwasang magtulakan at magsiksikan ang mga nanghihingi ng tulong. Hindi rin santuwaryo mula sa init at pagod ang mga sentro ng GHF. Dahil sa desperasyon upang makakuha ng rasyon ang mga tao, ang mga nakatanggap ng pagkain ay ninanakawan at madalas ay sinasaktan pa. Dahil dito, kinailangan ng mga ospital na magdagdag ng bagong kaso sa kanilang registry. Ito ay ang “beaten by others” o BBO. Tumutukoy ito sa mga pasyenteng binugbog sa gitna ng pagkolekta ng kanilang rasyon, o naapak-apakan sa stampede. Bantay-sarado rin ang mga food distribution sites ng mga armadong sundalo at drones. Tadtad din ng checkpoints ang mga pasukan.
Ayon sa Center for Constitutional Rights, ang GHF ay lumilikha ng tinatawag na “engineered scarcity”. Sinasadya ng organisasyong binuo ng gobyernong sumasakop sa Gaza na gawing mas matindi ang kagutuman at malnutrisyon sa Gaza. Sa sobrang kontrolado ng mga aid sites, hindi ginhawa ang dala ng GHF sa mga biktima ng giyera. Dinadagdagan pa nito ang hirap at pighating dala ng napakahaba nang digmaan.
Malayo man tayo sa Gaza, dapat pa rin tayong magkaroon ng pakialam sa kanila. Ang mga batang nag-aaral at naglalaro dapat, buto’t balat na ngayon dahil sa gutom. Ang mga magulang na napipilitang maglakbay para sa pagkain, bumabalik sa kanilang pinanggalingan para mailibing. Ang mga nanay, wala nang magawa kundi panoorin ang kanilang mga anak na mamatay dahil sila mismo ay hindi makatayo.
Batid ng ating Simbahan na madaling mawalan ng pag-asa sa harap ng mga pangyayaring gaya ng digmaan. Sabi nga sa Catholic social teaching na Dilexit Nos, tingnan at pakinggan lamang natin ang mga nakatatandang naiipit sa giyera. Ipinagluluksa nila ang mga namatay nilang kapamilya, at baka nga sila mismo ay gusto nang mawala sa mundong ibabaw pagkatapos mawala ang halos lahat sa kanila.
Kaya sa kanyang general audience noong isang linggo, ipinaalala muli ni Pope Leo XIV: “Every person always has an inviolable dignity, to be respected and protected.” Nanawagan ang ating Santo Papa ng ceasefire o tigil-putukan, ng pagpapalaya sa mga hostages ng grupong Hamas, ng diplomatikong solusyon sa giyera, at ng paggalang sa international humanitarian law. Samahan natin si Pope Leo XIV sa panawagang ito. Tama na ang pagpatay sa mga inosente! Tama na ang paggamit sa kagutuman bilang armas ng digmaan! Tama na ang karahasan!
Mga Kapanalig, maraming trahedya pa ang mangyayari kung magtatagal pa ang pagkubkob ng Israel sa Gaza. Sa pamamagitan ng pagiging makatarungan at tapat, gayundin ng pananalangin, ipakita natin ang ating pagkikiisa at pakikiramay sa mga biktima ng karahasan sa mga lugar na bihag ng karahasan. Paalala nga sa atin ni Hesus sa Mateo 5:19, “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.”
Sumainyo ang katotohanan.






