79,762 total views
Mga Kapanalig, natapos noong Biyernes ang labindalawang araw na pagbisita ni Pope Francis sa apat nating karatig-bansa: Indonesia, Papua New Guinea, Timor-Leste, at Singapore.
Naging makasaysayan ang pagbisita ng Santo Papa sa Indonesia. Ito kasi ang may pinakamalaking populasyon ng mga Muslim sa buong mundo, habang tatlong porsyento lamang ng populasyon nito ang Katoliko. Sa capital nito na Jakarta, nagkaroon ng pagkakataon si Pope Francis na makadaupang-palad ang Grand Imam na si Nasaruddin Umar, isa sa mga may pinakamataas na awtoridad sa relihiyong Islam.
Binisita nila ang Tunnel of Friendship, isang daanan na kinokonekta ang national mosque ng Indonesia sa isang Katolikong katedral. Nakakabagbag-damdamin ang paghalik ng Imam sa ulo ng Santo Papa at paghawak at paghalik ng Santo Papa sa kamay ng Imam. Ang mga aksyong ito ay simboliko sa kanilang paglalabas ng panawagan, o joint call, para sa pagkakaroon ng interfaith friendship, o pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng relihiyon.
Napapanahon ang panawagang ito ngayon sa gitna ng tinatawag na polarization o pagkakahati-hati at pagkakalayu-layo ng mga tao dahil sa pagkakaiba ng mga paniniwala. May mga pagkakataong ang pagsasabuhay ng kanilang paniniwala ay umaabot sa puntong nakapananakit na sila ng mga hindi nila kapareho ng pananampalataya o relihiyon. Isang matinding halimbawa nito ay ang mga terrorist groups na ginagawang dahilan ang kanilang relihiyon sa paggamit ng karahasan laban sa mga hindi nila karelihiyon.
Ang polarization na ito ay makikita rin natin sa mga paniniwalang pulitikal. Mismong mga pulitiko sa ating bansa ay namemersonal sa kanilang trabaho at gumagawa ng mga desisyon, kahit hindi tama, para lang hindi umayon sa kabilang panig. Sa madaling salita, imbis na interes ng mga taumbayan ang pag-ukulan ng pansin, gaya ng pagpapatupad ng mga programang tutugon sa kanilang pangangailangan, sariling interes nila ang umiiral. Talamak din ang pag-aaway-away ng mga tao sa social media para ipagtanggol ang kanilang sinusuportahang pulitiko. Hindi na nila pinakikinggan ang punto ng kabilang panig.
Hindi naman natin sinasabing iisa lang ang paniniwala ng lahat ng tao upang hindi tayo magkawatak-watak. Hindi mawawala ang pagkakaiba-iba ng pananaw dahil sa iba’t ibang pagkakakilanlan, o identity, ng mga tao, at sa lawak ng mundo at dami ng posibilidad. Mahirap ding umunlad kung makukulong lang tayo lahat sa iisang echo chamber o isang sistemang pare-parehas na ideya na lamang ang naririnig at wala nang espasyo para sa naiiba at bagong ideya na maaaring mas mapayaman ang ating mga pinaniniwalaan.
Ang higit na kailangan natin ngayon ay ang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Mangyayari ito kung mayroong mga “authentic social dialogue,” gaya ng sinabi ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti. Ito raw ay pakikipag-usap sa iba nang may pagrespeto sa kanilang pananaw at pagkilala na maaaring may mga lehitimo silang paninindigan at paniniwala.
Mga Kapanalig, katulad ng Santo Papa at ng Imam ng Indonesia, maging bukás sana tayong makipagkapatiran sa mga taong naiiba ang pananaw at paniniwala sa atin. Huwag sana tayong makulong sa paniniwalang tayo lang ang tama at mali ang iba. Sa halip, sikapin nating gumawa ng tunnel of friendship na kokonekta sa atin sa ating kapwa, imbis na magtayo ng mga pader na maghihiwalay sa atin. “Pagsikapan [nating] gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa’t isa,” gaya ng sabi sa Roma 14:19.
Sumainyo ang katotohanan.