277 total views
June 5, 2020, 2:54PM
Pinaalalahanan ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang mananampalataya na tutungo sa simbahan na sundin ang mga safety health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan alinsunod sa payo ng mga eksperto sa kalusugan.
Ito ang pahayag ni Rev. Fr. Douglas Badong, ang parochial vicar ng St. John the Baptist Parish sa panayam ng Radio Veritas sa muling pagbubukas ng mga simbahan kung saan umiral ang general community quarantine kabilang ang Metro Manila.
Nitong Biyernes ika-5 ng Hunyo, ang araw ng debosyon sa Poong Hesus Nazareno ay dumagsa ang maraming mananampalataya kung saan mahigpit na na ipinatupad ang safety protocols upang maiwasan ang pagkakahawa-hawa sa corona virus.
“Sa ating mga deboto na dadalaw sa Quiapo, sundin po natin ang mga safety protocols yung guidelines, pumila tayo ng maayos at maghintay upang mabigyan ng pagkakataon na makapagdasal sa loob ng simbahan,” pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
Ibinahagi din ng Barangay Simbayanan anchor na sampung katao lamang ang pinapayagang makadalo sa banal na misa alinsunod sa rekomendasyon ng Inter Agency Task Force.
Pinapayagan naman ang limampung indibidwal na makapagdasal sa loob ng simbahan sa mga oras na walang misa ngunit binibigyan lamang ito ng labinlimang minuto upang magbigay daan sa iba pang nais masilayan ang Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Nilinaw ni Father Badong na bukas lamang ang main entrance ng simbahan kung saan may mga nakatalagang kawani na nagbabantay para isagawa ang temperature check, at paglalagay ng alcohol sa mga papasok ng simbahan.
Mahigpit din ang bilin ng pamunuan ng basilica sa mananampalataya na magsuot ng face mask at panatilihin ang physical distancing sa loob ng simbahan para sa kaligtasan ng bawat isa.
Nanatili namang sarado ang pahalik sa Quiapo Church bilang isa sa mga hakbang na pagtugon ng simbahan sa panawagan ng pamahalaan.
Sa panuntunan ng IATF limang katao ang pinapayagan sa mga religious gatherings sa mga lugar na isinailalim sa modified enhanced community quarantine habang 10-katao naman sa general community quarantine habang limampung porsyento sa kabuuang kapasidad ng simbahan sa mga lugar na umiral ang modified general community quarantine.