23,856 total views
Pinangunahan ni Diocese of Catarman apostolic administrator Bishop Nolly Buco ang paghahawi ng tabing sa panandang pangkasaysayang para sa mahalagang ambag ni Padre Francisco Ignacio Alcina, S.J. isang Heswita na kilalang historyador, misyonero, at tagapagtanggol ng mga katutubo na sa Visayas region.
Naganap ang unveiling ng historical marker para kay “Padre Francisco Ignacio Alcina, SJ” kasabay ng paggunita sa ika-350 anibersaryo ng pagyao ng Pari noong ika-30 ng Hulyo, 2024 sa Old Palapag Church Ruins, Palapag, Northern Samar.
Pinangasiwaan ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chairman Regalado Trota Jose ang gawain na dinaluhan din ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Northern Samar gayundin ni Rev. Fr. Lito C. Jumadiao, parish priest ng Nuestra Señora de Asuncion – Palapag.
Nakalatha sa panandang pangkasaysayang ang maikling buhay at mahalagang ambag ni Padre Alcina para sa higit na pagpapatatag at pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa lalo’t higit ng Visayas region kabilang na sa larangan ng kultura, lenggwahe, sining, tradisyon, at maging halaman at hayop sa rehiyon.
Itinuturing naman ang isa sa inilathalang libro ng Pari na pinamagatang ‘Alcina’s History of the Bisayan Islands’ bilang isa sa quintessential historical sources kaugnay ng pre at colonial period Visayas, na nagbigay daan din sa mga kasalukuyang local historical research sa rehiyon.
Padre Francisco Ignacio Alcina, S.J. (1610-1674) Historyador, misyonero, at tagapagtanggol ng mga katutubo. Isinilang sa Grandia, Valencia, Espanya, 2 Pebrero 1610. Pumasok sa pagka-Heswita sa Aragon, Espanya, 15 Pebrero 1624.
Dumating sa Maynila upang ituloy ang pagiging seminarista, 26 Mayo 1632.
Inordinahan bilang Paring Heswita sa Diyosesis ng Cebu at agad na itinalaga bilang misyonero sa Borongan, Provincia de Ibabao (ngayo’y bahagi ng Eastern Samar), 1634. Naging misyonero sa Samar, Leyte, Bohol, Panay, Cebu, at Maynila. Kinilala bilang “Gran Defensor De Los Insios”.
Nakapagsulat ng iba’t ibang akda hinggil sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo, kultura, sinaunang kasaysayan, at mga hayop at halaman sa Visayas: pinakatanyag na rito ay ang Historia De Las Islas E Indios De Bisayas na ang impormasyon ay sinimulang likumin habang nasa misyon sa Borongan, 1634; isinular habang nasa residensya ng mga Heswita sa Palapag, Ibabao (ngayo’y bahagi ng Northern Samar), 1667; at tinapos sa residensya ng mga Heswita sa Catbalogan, Samar, 1668. Yumao, San Miguel, Maynila, 30 Hulyo 1674.
Hinawi ang tabing ng panandang pangkasaysayang ito bilang paggunita sa kaniyang ika-350 anibersaryo ng pagyao.